Matagal ko na gusto magsulat. Matagal ko na gusto ilabas ang aking mga angas, lahat ng saya't lungkot, libog at libag ng katawan, dahilan kung bakit ako natutuwa o kaya ay natatawa. Matagal... dahil hindi ko alam paano magsisimula at magtatapos. Hindi ko alam paano matapang na simulan ang hamon ng pagsusulat at kung paano tapusin ang duwag na pagtalikod sa pagbabasa at pagbabahagi ng mga munting aral sa aklat ng aking buhay.
Ngayon, handa na akong magsulat at magbahagi. Magpapalabas ako ng mga pahina na may marka ng aking tagumpay at kabiguan, talino at katangahan at kwento ng iba't ibang pakikipagsapalaran.
TSAPTER 1: ANO ANG INIISIP KO?
Mahilig akong mag-isa at mag-isip. Madalas akong tumingin sa kawalan, pansamantalang mawala sa uliran at tuluyang maanod ng samo't saring kaisipan.. kagaya na lang ng love, relationship, sex, career, pamilya ko, pera, politika at ibang mga bagay na hindi ko akalaing maiisip ng utak kong palaging pagod. Ang sabi nila, kapag nag-iisip o nagrereflect, magkakaroon daw ng linaw ang mga bagay na malabo, sagot sa sanlibong mga tanong o gaya ng sabi ng Rivermaya, Liwanag sa Dilim. Pero sa kaso ko, ang personal reflection na sinasabi nila ay nagbibigay ng mas maraming mga tanong kaysa malinaw na sagot.
27 na ako. Naranasan ko ang 27 taon ng saya, galit, tuwa, lungkot, pagkabigo, sakripisyo at pag-ibig. At simula nang matuto akong mag-isip at lumaban sa hamon ng buhay, hindi pa rin nagbabago ang mga tanong naisip, iniisip at siguro iisipin ko pa rin. Ano ba dapat ang buhay ng isang 27 years old? Ano ba ang mga gusto kong gawin? Ano ba ang mga dapat kong gawin? Kailangan ko gawin ang mga gusto ko o yung mga dapat?
TSAPTER 2: MASAYA BA AKO?
Simula nang matuto akong magbasa ng ABC, ABAKADA (ABNKKBSNPLAko?) Nagsimulang mangarap ng makulay na kinabukasan ang mga magulang at kamag-anak . Inasahan nila na magiging magaling at matagumpay ako sa iba't ibang mga larangan. Sa loob ng siyam na taon(Pre-School to 4th year high School) naging mabuti at masunurin akong anak. Hindi ko sila hinayaang mabigo sa kanilang pangarap. Pinasaya ko sila dahil sa iba't ibang medals, trophies at magagandang salita mula sa ibang tao-kakilala man o hindi na nagbibigay pugay kung gaano sila kahusay na magulang at napalaki nila akong angat sa iba. Siguro kung ang pagiging matagumpay ay kagaya ng PBB o kaya ay Survivor, masasabi ko na Big Winner/Ultimate Survivor ang nanay at tatay ko. At ako ang biggest trophy nila. Subalit, nabago ang pananaw ko sa konsepto ng talino, tagumpay at pagiging masaya nang makilala ko si OBLE. Siya ang naghubad sa aking tradisyunal na paniniwala at mababaw na pagtingin sa mundo. "Deconstruction becomes my world and Idealism my cup of tea"
At ngayon na nagtatrabaho ako, lagi kong tinatanong sa sarili ko: Masaya ba ako? Successful ba ako? Tingin ko kasi sa Pilipinas, ang konsepto ng success ay nasusukat kung gaano ka kayaman, mga titulong nakakabit sa pangalan, bilang ng magagandang sasakyan, impluwensiya sa lipunan at kung gaano ka kaangas o kayabang. Naalala ko tuloy nung grumadweyt ako sa elementary at high school, kailangan ang guest speaker ay isang kilala't may sinabi sa lipunan. dapat daw ay may tinapos o pinag-aralan. Bakit kaya di nila subukan ang kagaya ni Jamal Malik ng Slumdog Millionare, Si Lea Bustamante ng Bata Bata Paano ka Ginawa? o kaya si Marlene ng Tayong Dalawa. Sigurado ako maiiba ang mukha ng walang kamatayang success na yan. Siguro hindi ko na kailangang magpaliwanag kay nanay, tatay, classmate, mam at sir kung bakit ang Valedictorian noong elementary at high school ay hindi kasing yaman ng pasang awa lamang noong nag-aaral pa siya. Kung bakit ganito at hindi ganyan o bakit ganyan at hindi ganito.
Naisip ko tuloy, Napakahirap ba maging successful? Sino ba ang may karapatang magsabi na siya ay successful at ako naman ay hindi? Siguro nga mahirap talaga ang daan papuntang tagumpay. Masyadong makulay pero puno ng pagkukunwari. Para kaya itong kennon road, pasikot sikot? katulad kaya ito ng EDSA, matraffic, mabagal, madalas nakakainit ng ulo at minsan pa ay madaming detours? o baka naman kagaya lang ito ng UP Acad oval kapag linggo. Tahimik, walang usok ng mga sasakyan at kahit nakakapagod, alam mo na ito ay 2.3 KM lamang. Baka magulo lang ako kasi maangas, o tama nga si Jamal sa pagsabi, " You don't have to be a genius".
TSAPTER 3: SINO BA TALAGA AKO?
Kapag tinitingnan ko ang aking sarili sa salamin, nakikita ko ang unti-unting pagbabago sa aking pisikal na anyo. -- TUMATANDA NA AKO. Pero edad lang ata ang nagbabago at nadadagdagan. Tingin ko, bagsak pa rin ang aking EQ. Isa pa rin akong maangas, duwag, suplado, sugatan at ligaw na nilalang. Hinahanap ko pa rin ang aking sarili, wala pa ring sagot ang lahat ng aking mga tanong at unti-unti na akong inaanod ng agos ng buhay.
Siguro masyado akong nasaktan. Siguro hindi masaya ang childhood ko. Pero sigurado ako, pinilit kong kalimutan ang mga dahilan kung bakit: 1) Mababa ang Self-Esteem ko. Wala akong bilib sa sarili ko. 2) bitter at maangas ako. 3)Mahilig ako mag-isa. Lagi ko solo flight at fight. 4) Masyado akong tahimik, parang di ko na alam minsan paano magsalita. 5) Masyado active ang brain cells ko at wild ang imagination . Naisp ko, marami akong oras na sinayang para protektahan ang sarili ko sa lahat ng mga bagay na kinatatakutan ko at tingin ko'y mananakit sa akin. Imbes na hi o hello, puro goodbyes ang nasasabi ko. Pakiramdam ko tuloy isa akong Batanes Island. Trainspotting ang pelikula ko at The warrior is a child ang OST nito.
TSAPTER 4: ANO NA PLANO KO?
Napapagod na din ako. Malapit na din akong sumuko. Pero lagi din naman akong nagdadasal kay Bro na sana sa paggising ko, malakas na akong lumaban at matapang na maglakbay. Iniisip ko din na kahit siguro maging SuperHuman ako gaya ng sinasabi este kinakanta pala ni Chris Brown, hindi ko na mababago ang mga pangyayari. Sigurado na masasaktan uli ako. Gagawa ng maling desisyon pero hindi naman siguro dahilan yun para magkaroon din ng positibo at magandang pangyayari sa buhay ko. Me happy ending din naman siguro sa akin. Kailangan ko lang siguro tingnan ang aking mga kalakasan at malay ko may tinatago pa akong galing na kailangan lang gisingin para lumabas ang PINAKA, D BEST at SUPER DUPER ng sarili ko. Baka me SUPER POWERS din ako. hmmm. Sana bukas, SUPERMAN na ako.
Fingering Groovapooh (video preview)
1 day ago