Showing posts with label insan. Show all posts
Showing posts with label insan. Show all posts

Thursday, 4 June 2009

Maligayang Paglalakbay!


"Punta ka PGH. ASAP"

Binalot ko na ang hinihingi mong sapatos. Hinintay ko pa nga na bumalik ka sa bahay dahil wala akong pasok-- Ang araw na sinabi mong ikaw ay babalik. Pero hindi ka dumating...Inisip ko na lang baka bukas.. sa susunod na araw o kaya, sa susunod na linggo. Gusto pa naman kita makausap. Natutuwa lang ako dahil malaki ang iyong ipinagbago. Nakakatuwa dahil hindi ka man naging seryoso sa iyong karanasan sa loob ng silid kung saan hinasa ang aking utak at iba pang namamahal sa'yo, natuto ka naman sa hamon ng buhay na araw-araw mong kaulayaw sa labas. Hindi man ako naging masyadong malapit sa'yo pero ramdam ko ang respeto mo dahil mas matanda ako sa'yo pero isang taon lang naman.

"Kailangan mo magdonate ng dugo. biglaan daw kagabi lang."

Pero ang daya mo. Hindi ka man lang nagsabi. Wala ka man lang pinagkatiwalaan. Ang hilig mo manggulat.

"Comatose na."

Gusto kitang intindihin. Ang dahilan ng pananahimik mo pero nahihirapan ako. Siguro, hindi ka naman sasagot kung tatanungin kita. Ipipilit mo na hindi ka maiintindihan dahil magkaiba tayo ng daan na nilalakbay. Pero sana binigyan mo kami ng pagkakataon na pakinggan ka. Narito kaming lahat. Hinahanap ka ng mga pamangkin mo. Buo na naman ang angkan.

"Wala na siya"

-----------------------------------
Namatay si insan sa edad na 26 sa sakit na Leukemia. Biglaan ang pangyayari dahil walang nakakaalam ng kanyang karamdaman. Saan man siya ngayon, nawa'y maging mapayapa ang kanyang paglalakbay. Nakakalungkot isipin na nagkakaroon lang ng malaking pagtitipon sa panahon na may aalis. Paalam, Insan!