Friday, 3 July 2009
Parekoy
Hoy! Musta ka na? Namiss kita. Tagal nating hindi nagkita. Mahigit ata isang linggo. Pasensiya na parekoy, naging masyadong busy ako. 18 araw na ang dumaan mula nang malipat ako sa bagong department. Ayun, ok naman. Masaya sila kasama. Makukulit. Medyo madaming trabaho pero nakakatuwa kasi para na rin akong nagtuturo. Sabi nga nila, ang tipid ko daw magsalita. Di nila alam, madaldal ako lalo na pag kausap kita. Ang sarap mo kasi kausap. Lagi mo ako pinapakinggan. Di ka nagsasawa sa mga angas , kakulitan at kakornihan ko. Namiss ko na din ang mga kaibigan natin. Matagal ko na din hindi sila nadalaw. Di na tuloy ako updated sa samo't saring kwento ng buhay, pag-ibig, career at kalibugan. haha. Yaan mo pag naka-adjust na ako sa bagong schedule, babawi ako sa'yo. Dami kasi akong gusto ikwento sa'yo. Alam ko, dami ka din gusto ibalita sa akin.
Mahigit 3 buwan na din pala tayong magkaibigan. Masaya ka ba na nagkakilala tayo? Ako kasi sobrang masaya. Paano nagkaroon ako ng pagkakataong maging totoo sa sarili ko at saka ang dami kong natutunan sa'yo. Nagkaroon din ako ng mga kakulitan dahil sa'yo. Pero lam mo, minsan nahihiya pa rin ako. Ganun talaga siguro, hindi ko masasabi lahat at alam ko na naiintindihan mo yun. Basta once a week, dadalawin kita. Ang bilis ng panahon ano? July na, kalahating taon. Tuloy napapaisip ako: Naging maayos ba ang unang anim na buwan ko? Pagbalik ko, pag-uusapan natin yan. Napanood ko na pala ang Tansformers. Ok naman. Balak ko din panoorin ang Ice Age 3. At hindi ko palalagpasin ang Harry Potter. Sinisimulan ko na din basahin ang regalo ng mga Wonder Women. Naalala mo noong birthday ko, binigyan nila ako ng libro: Blink (Power of thinking without thinking) ni Gladwell at Eleven Minutes ni Paolo Coelho. Binigyan din ako ni insan ng scrapbook, pag me oras, aayusin ko na ang mga masasarap na alaala. Nakakalungkot din yung balita kay MJ. Excited na din pala ako sa UAAP Season 72.
Ayan medyo napasarap usapan natin. haha. Sa susunod na yung ibang balita. Love? haha Hindi pa ata ako ready. Mas ok yung ganito. Takot pa din ata ako sa commitment. Pero medyo masaya naman ako ngayon. O sige, ingat lagi. Kitakits na lang. Be the best!
Makulit na kaibigan,
Bampiraako
Wednesday, 24 June 2009
PUNO ng Alaala
... Alam mo ba kung ano ang Faces? Kilala mo ba si Ate Gieleen? Nabulabog ka na ba ng VolleyBagan? Napanood mo ba ang Ligwakan ng mga kandidato ng Student Council? Sumali ka ba sa Jologs quiz Show? Alam mo ba ang Sagulapi? Nakita mo si Bruce Quebral? Nakigulo ka ba kapag may General Assembly? Inabangan mo ba si Manong Potpot na may mainit na monay? Nandun ka ba noong Open House? Naalala mo ba si Den Reyes? Yellow ba ang kulay ng sofa sa piano area?...
Kung OO ang karamihan sa mga sagot mo, malamang.... taga YAKAL ka! At kapag alam mo to lahat, sigurado ako, batchmate tayo.
YAKAL - Isa lang ito sa mga co-ed dorms na makikita sa loob ng UP Campus. (Ang mga dorms ay may pangalan na hango sa puno o bulaklak). Nasa likod ito ng College of Eng'g na kapitbahay ng Kalay at Ipil. Ito ang itinuturing na tahanan ng mga kagaya kong promdi. Pagpasok sa yakal, tatambad na kaagad ang information counter. Dun nakatambay ang student assistant na pinagpapantasyahan kapag cute at pinagtitripan at tagatanggap ng mura, singhal at reklamo ng mapagmahal na mga residente kapag etuc. Andun din nakalagay ang logbook na puno ng kasinungalingan at kalaswaan. Nasa bandang gitna ang waiting area na tambayan ng mga nagpapacute, naghahanap ng cute at kabaliktaran ng mga cute. Nasa harapan nito ang isang TV na tila kampana sa simbahan- tagahudyat kung kelan magsisimula ang kakaibang misa. Ang misa na puno ng kakaibang eksena- me nangungulangot habang pinapanood ang kontrabidang si Selena, nag-aagawan ng remote control para sa puso o pamilya?, nakikipaglandian o nakikipag tsismisan kung sino ang paminta, sino ang hot dormer at sino ang bagong member ng bi now, gay later policy. Katabi ng counter information ay ang nag-iisang ref kung saan nakapaskil ang malaking babala: BEWARE OF POISON. Dito din nakapuwesto ang pay phone na parang blockbuster movie sa haba ng pila at sa bandang likod ang silid ng Reyna. Dito nagmamakaawa ang mga pusong napariwara. Dorm Manager ang pangalan niya.
Ang Yakal ay nahahati sa walong wings. East wing 1&2 Boys/Girls at West Wing 1&2 Boys/Girls. Sa bawat wing ay may isang communal cr kung saan ang mga pintuan ay tadtad ng reklamo at sikreto. At ang bawat kwarto ay binubuo ng 2 double deck bed, isang mahabang mesa, apat na locker at may nagmamay-ari na apat na magkaibang katauhan. Ako ay kabilang sa east wing 1. Ang kwarto namin ang sentro ng wing. Dito makakabili ng pancit canton, de-lata, blue book at kung anu-ano pa. Dito rin madalas makita ang log Book ng wing- ang tanging saksi sa makulit na kasaysayan ng iba't ibang mukha, ugali at paniniwala.
Ibang klase ang buhay dorm. dito nahubog ang konsepto ng pakikisama, nabigyan ng tunay na kahulugan ang palasak na salitang bonding, nabuo ang mainit na relasyon, nawasak ang nanlalamig na puso, lumaya ang saradong isipan, lumawak ang makitid na kamalayan at tumatag ang mahinang kalooban. Ang bawat umaga ay tila isang star-studded concert. Nag-uunahan sa pagbirit ang maiingay na alarm clock. Nagmamadali ang bawat gripo at nag-uunahan ang mga paa. Ang bawat gabi naman ay tila party. Pagkatapos ng tradisyunal na room check, sisimulan na sa kabilang room ang toma, movie marathon naman sa katapat, food trip sa unahan, sound trip sa bandang dulo at may iilang mga mata na kayang makipagsabayan sa 7-11 bukas ito 24 hrs habang pinapadugo ang malaking utak. Minsan iyong maririnig ang garalgal na boses ng intercom na pilit nakikipaglaban sa malakas na boses ng fratman at hiyaw ng kasapi ng babaylan habang sinasabing: Paging Mr. Juan De la Cruz, You have a visitor. Gayunpaman, pagsapit ng sabado, makakapagpahinga ang mga gripo at magkakaroon ng katarungan ang OBSERVE SILENCE na nakapaskil sa pintuan. Ang araw kung kelan, naging BAMPIRA ang aking pangalan.
Kasing tatag nga ata ng punong ito ang alaala ng aking nakaraan..ang aking katauhan.. ang imahen ko sa kasalukuyan.
Saturday, 13 June 2009
Biyaheng Utak (Part 3)
COLLEGE YEARS: SWIM OR SINK?
".. Ang buhay ay parang IKOT jeep. Ang iyong patutunguhan ay siya ring iyong pinanggalingan. UP lang ang may TOKI, sa buhay wala nito. Pero nasasaiyo na yon kung nais mong pabaligtad ang takbo ng buhay mo.." excerpts of commencement speech given by Ryan Cayabyab to the graduating class of 2005
U.P.-- Ito ang pinangarap mong pamantasan. Ang pinapaniwalaan mong magbibigay ng sagot sa napakadami mong katanungan noong sinimulan mo ang byaheng utak. Iniyakan mo pa ito dahil sa mga balakid sa iyong planong paglalakbay sa mapanghamon na pamayanan ni Oble."Wag na dun, magiging fratman ka lang... puro rally lang ang alam ng mga tao doon.. UP is an overrated university..UP will make or break you..magulo doon...Magiging aktibista ka lang" Ikaw ang nasunod. Wala silang magawa. Buong tapang mong binitbit ang gintong medalya na inaasahan mong maging sandata upang simulan ang madugo, makulay at kakaibang ikatlong yugto ng paglalakbay. Handa kang palayain ang iyong kamalayan. Handa ka na sa panibagong biyaheng utak!
1998-44859. Ito ang plate number ng buhay mo sa biyaheng UP. Ito ang tatak ng iyong pagkatao. Laman ng form 5 kung saan nakalista ang mga dapat pag-aralan o gabay sa pagtupad ng pangarap. Makikita din ang numerong ito sa iba mo pang mahahalagang dokumento at isa na dito ay ang Bluebook-- Ang pinakamurang notebook sa balat ng lupa sa halagang P2.00. Ito ang saksi ng iyong madugong pakikibaka sa ibat-ibang uri ng utak ng mga demonyo sa Math Bldng, alien sa College of Science, showbiz personalities sa Arts and Letters at ibang pang mga taong naging bida at kontrabida sa mundo ng GE subjects. Sa mundong ito hinasa ang iyong utak upang magkaroon ng tinatawag na tatak isko/iska-ang common denominator ng mga apo ni Oble. Ito ang mundo kung saan kakulitan mo ang lahi nina plato/marx at iba pa sa soc sci 2, kumapal ang mukha mo sa art of public speaking sa comm 3, nakitsismis ka sa eskandalo ng buhay ni Rizal sa PI 100. Teka, umatend ka ba talaga ng STS class sa CS Aud? Ito rin ang pinag-aawayan at iniiyakan tuwing Registration dahil pahirapan sa slot. Ang Reg Period ang pinakamadugong panahon sa iyong buhay. Dito mo nasaksihan ang iba't ibang mukha ng pinoy sa panahon ng kagipitan. Nandiyan ang siksikan, tulakan, dayaan sa pila at kadalasan ay luhaan dahil walang slot. Sa panahong ginawa mo na ang lahat at hindi ka pa rin nakapag-enlist,
Prerog (Teacher's Prerogative) ang iyong huling pag-asa. Naranasan mo na ito sa iyong soc sci 2 kung saan pumunta ka sa unang araw ng klase nakipila, nagmakaawa at nagpabibo na parang papasok sa bahay ni kuya. Isa ka sa mga mapalad na maging biktima ng Prof na araw araw ay nagbabalasa ng class card. Ang bawat pagkikita ay isang academic adrenalin rush. Kaya pagdating ng finals, na-aapreciate mo ang poetry. You think you shall never see a grade as lovely as three.
Mga bagay na hindi mo makakalimutan:
** Ang maging Bionicman. Kailangan mo lumipad mula isang building papunta sa kabila sa panahong naging tanga ka. Ang Registration ay isang napakahalagang desisyon. Kailangan mo isaalang-alang ang oras, subject, prof, prereq, requirement ng subject at building kung saan magaganap ang klase. Note: sadista ang karamihan sa mga prof. Iniisip nila, subject lang nila ang kinukuha mo sa boung sem.
** Ang isaw ni Mang Larry sa kalay, BBQ sa Beach House, SpicyChickenSilog sa Rodics, Ang tipid meals sa AristoCarts lalo na sa likod ng Eng'g, Thai food sa IC na lumipat sa balara, Unlimited rice sa Mang Jimmy's, food trip sa KNL, lutong bahay sa Area 2, tambay sa chocolate kiss, COOP Canteen, exotic food sa University Arcade at sino ang hindi nakakain sa CASAA, tusuk-tusok the fishballs at abangan ang monay na may palamang cheese ni manong potpot.
** Oblation run na minsan mo lang napanood, ang pag-aabang sa galing ng FA tuwing Lantern Parade, ACLE, Sem break issue ng Kule, UP Fair, iniation ng mga University Orgs neophytes. UAAP Cheerdance, Live AIDS ng samaskom, pakiki-usyuso sa Eng'g week, Faces sa Yakal, manood sa Film center, org-sponsored events, maging neophyte sa org, tambay hours
** Enlistment, Reg Period, CRS, tambay sa library hanggang hatinggabi, matulog sa Sunken Garden, tambay sa Lagoon, jogging sa Acad oval, maglakad sa betaway pag gabi, tambay sa AS steps, pumila sa AS 101, pumila sa 2nd flr ng PNB building, photocopy sa shopping center, magic cards sa harap ng lib, sumalampak kahit saan, sumali sa welga
** Cram sa papers, departmental exam sa Nat Sci, pakikipagtalo sa classmate at sa prof, pagpupuyat sa math exam tapos bagsak pa din, critical paper, term paper, reaction paper, nakakatawang graffiti sa upuan/cr/pader, pagkuha ng classcard sa FC, pakikipag-agawan sa reserved section, ikot, toki, pagpasok na nakapambahay, powerpoint presentation sa sts
hay...... nakakamiss ang Kulturang UP!
Ano ang natutunan mo?
Natutunan mo na marami ka pang hindi alam. Na hindi lahat ng matalino ay magaling. Natutunan mo kung paano mabuhay at mahalin ang buhay. Dito nabuo ang iyong prinsipyo, lumawak ang iyong mundo, nahasa ang iyong utak, nawasak at natuwa ang iyong puso, nagkaroon ng kulay ang iyong pagkatao.
Ang klasrum, libro, required readings, boses ni prof, angal ni klasmeyt, utak ng iskolar sa iba't ibang bahagi ng Pinas, palitan ng ideya sa kung anuman, pakikipagtalo .... ang nagpalaya sa iyong kamalayan, nagbigay liwanag sa iyong kaisipan. Pero ang acad oval, ikot, toki, paglalakad, pakikibaka, pagpila, bagsak na grades, kulang na allowance, pawis, kaba, takot at minsang pagluha .... ang nagbigay tatag at tibay sa iyong kalooban.
Gaya ng palagi mong sinasabi, dito mo natutunan ang tatlong S sa buhay: Sacrifice, Service at Survival.
Salamat Oble!
Tuesday, 9 June 2009
Salamin

Ganito ka araw-araw. Tinitingnan ang sarili sa salamin. Sa bawat sandali na siya ay iyong sinisilip, iba't ibang emosyon ang iyong nadarama. Pero sa araw na ito, nakita kitang malungkot at may kaunting takot.
Ilang taon mo na ba itong ginagawa? Hindi ko na rin matandaan. Marahil napagod na din ako sa kakasilip sa'yo. Ang kulit mo kasi. Bakit ba masyado kang apektado sa iyong nakikita? Akala ko ba tanggap mo na ang kulay ng iyong balat. Ang hugis ng iyong mukha. Ang hubog ng iyong katawan. Akala ko ba, handa mo nang ipasilip sa iba ang repleksyon mo? Akala ko ba handa mo nang palayain ang iyong imahen?
Di ba ang sabi mo, hindi naman mahalaga kung anong makikitang repleksyon. Dahil ang mga salamin ay dekorasyon lamang. Ang imahen na ipinapakita nito ay bahagi lamang ng iyong sarili...hindi ang iyong kabuuan..hindi ang iyong pagkatao. Pero bakit ngayon, muli kang nagpapaalipin at nabubulag sa iyong nakikita?
Hanggat patuloy kang matatakot at maduduwag sa iyong imahen, hanggat patuloy kang magpapaalipin sa iyong sariling salamin... Hindi kakikitaan ng ngiti ang iyong mapupulang labi.. Kaya habang may panahon pa, basagin mo na ang sarili mong salamin. Dahil baka masugatan ka pa kapag ito ay winasak ng iba habang ikaw ay nanalamin.
Sunday, 7 June 2009
Biyaheng Utak (Part 2)
HIGH SCHOOL YEARS: Triumphant days/ Years of Agony
"You will know who I am, When you forget my name." -- Jim Paredes, Humming in my Universe
... Sabi nila, D Best daw ang buhay hayskul. siguro tama sila. pero sa kaso niya, ito ang panahon na nagsimulang gumulo ang kanyang isipan. Dahil sa matagumay na unang yugto ng biyaheng utak, naging usap-usapan ng mga matatabil na dila ang magiging kapalaran niya sa ikalawang yugto ng paglalakbay. May nagsasabi na hindi na niya kakayanin ang bagong hamon. Meron din naman nagsasabi na baka sakaling lumusot dahil ang kanyang kamag-anak ay may mataas na katungkulan. Marami ang nagduda sa kanyang kakayahan, maliban sa kanyang mga magulang. Kaya sa unang taon pa lang ng paglalakbay, kaagad niyang ipinamalas ang husay. Ito ang naging dahilan upang mabura ang mga alinlangan. Ito rin ang simula ng kanyang kalungkutan. Dahil ang bawat tagumpay, medalya, tropeo at karangalan ay inaasahan na sa kanya. Ang kabiguan ay isang krimen. At sa apat na taon niyang pag-iwas sa krimen, apat na taon din niyang pinagkaitan ang sarili masunod lamang ang kasiyahan ng nakararami. Siya ay naging kriminal at biktima ng sariling desisyon, maling akala, mapanuring lipunan at tradisyunal na paniniwala. Subalit ang totoo, hindi niya alam kung sino talaga ang kalaban at kakampi. Gayunpaman, lubos siyang naniniwala na minsan, kinakailangang mangyari ang isang digmaan. Subalit ang kanyang kaunting kaalaman ay hindi pa sapat upang magapi ang itinuturing na kalaban.
Makukulay na alaala ng Buhay Hayskul:
1. Iba't ibang mukha -- kikay girls, porma boys, the nerds/geeks, class clowns, bitches/villains, pabibo, the varsity players, pasaway, rich kids at walang pakialam. Siya ay boring, seryoso, tahimik at mahiyain.
2. High School Events -- school activities, campaign period/election day, induction program, JS prom, COC/CAT days, camping, intrams at iba pa. Siya ay naging bahagi ng magulong campus politics sa loob ng 4 na taon, naging SR President noong senior year dahil sa pamimilit ng mga kaklase kaya ala syang kalaban noong election, XO officer sa CAT, taga-cheer sa intrams at sawi sa JS prom. Sa awa ng diyos nakalikom ang kanyang SR Admin ng sapat na halaga mula sa kung anu-anong mga fund-raising projects na naging bahagi ng school auditorium. Mapulitika ang induction program dahil ito ang pagkakataong makaambon sa pork barrel ng imbitadong kongresista.
3. Contests/Activities -- literary contest, quiz bee, physics olympiad, science fair, school paper press conference, sabayang pagbigkas, speech choir, leadership training, ffp/fahp/vlp, comedy skit at kung anu-ano pang drama at kaartehan. Lagi siyang kasali sa extemporaneous speaking contest. Talunan sa provincial science quiz bee at physics olympiad. Pagala-gala sa Regional School Paper Press Conference at Youth Congress; At dahil hindi marunong umarte, naging narrator/director/writer ng comedy skit.
4. Hindi din niya malilimutan ang Periodic Table of Element sa Chemistry na kailangang i-memorize, Map of Asia, Ang debate sa teorya ng creation at evolution, Cell structures at functions, Life cycle of a Frog at iba pang hinayupak na hayop, Journal writing sa Values Ed., Iba't ibang projects sa Home Economics at Vocational Elective (Gumawa siya ng lampshade at water heater sa electricity class). Paborito niyang subject ang Physics at History.
5. Simple ang buhay hayskul. Dito nabuo ang tropa/barkada. Tambay sa canteen o school aud pag break time, Tambay sa town plaza kapag uwian, student meal, exemption sa exam dahil sa pagsali sa mga contests, memory tests, reporting, paggawa ng assignments ilang minuto bago magsimula ang klase, pagsali sa iba't ibang extra-curricular activities dahil 30% ito sa pagdedecide kung sino ang mapapasama sa Top 10. At kung anu-ano pang kalokohan.
6. Ito ang panahon na nauso ang boy bands. Naging kilala ang Backstreet Boys, ang rivalry ng hanson at the moffats, N Sync, Boyzone at Westlife. Ito rin ang labanan ng UMD vs Streetboys at ang famous signature dance na Always.
7. Isang major problem/issue ang pagkakaroon ng pimple.
8. Dito siya nahasang magsulat. Salamat sa School Paper. Nagsimula siya bilang staff writer, literary editor, news editor at EIC.
.... Natapos ang kanyang ikalawang yugto ng paglalakbay na nababalot ng iba't ibang katanungan. Dahil sa mga makukulit na tanong na ito, sinikap niyang makuha ang susi para sa pinapangarap niyang Pamantasan upang hanapin at alamin ang mga kasagutan.
"The most unfair thing about life is the way it ends. I mean, life is tough. It takes up a lot of your time. What do you get at the end of it? A Death! What's that, a bonus? I think the life cycle is all backwards. You should die first, get it out of the way. Then you live in an old age home. You get kicked out when you're too young, you get a gold watch, you go to work. You work forty years until you're young enough to enjoy your retirement. You do drugs, alcohol, you party, you get ready for high school. You go to grade school, you become a kid, you play, you have no responsibilities, you become a little baby, you go back into the womb, you spend your last nine months floating......and you finish off as an orgasm"......... George Carlin
........................ naghahanda para sa susunod na paglalakbay: Ang Biyaheng State U
Saturday, 30 May 2009
Bente-Otso
All my life I had been looking for something, and everywhere I turned someone tried to tell me what it was. I accepted their answers too, though they were often in contradiction and even self-contradictory. I was naïve. I was looking for myself and asking everyone except myself questions which I, and only I, could answer. It took me a long time and much painful boomeranging of my expectations to achieve a realization everyone else appears to have been born with: that I am nobody but myself. ~Ralph Ellison, "Battle Royale"
28 Random Things About ME:

2. Sa loob ng apat na taon, ngayon pa lang ako nagkaroon ng lakas ng loob na mag-aaply sa ibang posisyon. Napagod na din siguro ako o nakulitan na din ako sa pangungulit nila na mag-apply. Hindi pa tapos ang proseso..Goodluck sa akin.
3. Pagtuturo ang naging unang trabaho ko. Nagturo ako ng History (HeKaSi) sa Grades 3 -4 at Reading sa Grades 5-6. Naging Class Advisor ng Grade 4, Art Club Moderator at House Master. (Ginaya ng School na pinagtuturuan ko ang Hogwarts. Ang pangalan ng mga houses ay ayun sa mga Phil. Festivals)
4. P9000.00 ang pinakaunang sweldo ko. Dalawang taon ako nagturo. Hindi ko alam paano nagkasya to. Tama nga siguro ang Law of Supply and Demand. Gayunpaman, ito ang pinakamasayang taon ng pagtatrabaho ko.
5. Siguro kaya nagkasya ang no. 4 dahil sa tutorial job ko. Naging tutee ko ang anak ni Mr. Go Negosyo at ang 2 pinsan niya. Mababait naman sila.
6. Naranasan ko rin maging working student. Pinagsabay ko ang pagiging kolboy at pagkuha ng Certificate in Teaching Program sa PNU. Ginawa ko to sa loob ng isa't kalahating taon.

8. Sa 16.5 taon kong pag-aaral, buhay State U ang pinakamasaya sa lahat. Dito unang naganap ang pakikibaka at paninindigan ko laban sa TFI, campus repression at iba't ibang mukha ng isyung pampulitika (kasama ako sa picnic ng Edsa 2). Dito ko natutunan ang 3 S sa buhay: Service, Sacrifice at Survival.
9. Dormer ako sa loob ng 3 taon. Dahil sa kakulitan at hindi pagsunod sa curfew, naranasan ko matulog sa sunken garden at papakin ng lamok sa lagoon. Dito din naganap ang pagkamulat na dahilan ng pagkasilang ni BampiraAko.
10. Mahina ako sa Math. Ito ang pinakamababa kong grade sa elem, HS at College. 3 (tres) ang grade ko sa Math 1. (Impiyerno ang Math bldng. Satanas ang Math prof. ko)
11. Nakuha ko na ang PRC licence ko. Isang patunay na certified crammer ako. Isang magandang alaala at napakahalagang bunga ng # 6. Sana makapagturo na uli ako at matupad ko ang balak na pag-enrol sa graduate school.
12. Frustrated film student ako. (magastos kaya wala nangyari sa frustration ko). Dream ko makagawa ng isang pelikula o makasulat ng screenplay. Sinubukan kong kumuha ng scriptwriting elective. Summer class yun kaya dumugo ang utak ko sa araw-araw na pagsusulat at kumapal ang mukha sa araw-araw na presentation. (hay..bangungot sa tag-init ang nangyari)

14. H.S. Senior ako nang unang manligaw. Pareho kaming CAT Officer kaya lagi ko siya hinahatid pagkatapos ng training. Ayun binasted niya ako sa tapat ng simbahan. Mas gusto niya ang Battalion Commander namin. (X0 ako at S4 siya)
15. Binalak ko uli manligaw noong nasa State U ako. BA Socio. siya at klasmeyt ko sa isang elective class. Pero ala nangyari dahil sa # 9. Nagkagusto ako sa dormmate ko. Ayun, nagulo ang utak at puso ko.
16. Naranasan ko ang isang complicated relationship kay J. Tumagal ito ng apat na taon. Siguro traumatic ang experience kaya takot ako sa commitment.

18. Monggo ang pinakagusto kong gulay. Kaya paborito ko din ang monggo bread at pati na rin ang hopiang monggo.
19. Mas gusto ko ang pasta (I Love Pesto) kaysa pizza, hilaw na mangga kaysa hinog. Gusto ko din ng spicy food kaya peyborit ko ang Shin cup at hot and spicy tuna.
20. Fan ako nina: Nicole Kidman, Bob Ong, Jars of Clay, SpongeCola, Anne Rice, Jeffrey Jeturian at Mike De Leon. Na-hook ako sa Twilight Saga, LOTR, Vampire Chronicles at Harry Potter. Naging avid reader ako ng Liwayway, tagahanga ni Kapitan Pinoy at natakot sa Isang Gabi ng Lagim (Mga drama sa DZRH). Binasa ko ang mga akda nina Helen Meriz, Gilda Olvidado, Nerissa Cabral, Caparas, Patron at si Mars Ravelo. Hindi ko makakalimutan si Jun Cruz Reyes (Utos ng Hari)
21. Certified KAPAMILYA ako.

23. Naging hobby ko ang stamp collecting. (tinigil ko nang masira ng baha sa Marikina). Nagcollect din ako ng movie tickets noong college (kulit ng ticket sa UP film center), tickets ng Cine Europa at Cinemanila, concerts pati plays. (astig ang St. Louis Loves dem Filipinos at sino ang hindi makakalimot ng Rama at Sita?) UAAP tickets at ang cheerdance competition(Non-stop pa dati ang sponsor)Hindi rin nakalagpas ang ticket ko sa Enchanted at Nayong Pilipino..Ngayon, trip kong i-collect ang business matters column ni Francis Kong sa Star, Youngblood/Highblood sa PDI at 60 minutes sa Bulletin.
24. Ginagawa ko ang # 17 kapag depressed o malungkot. Trip ko din pakinggan ang 98.7 (DZFE/Master's Touch) kung gusto ko magrelax. Favorite place ko na pagsumbungan, pagkwentuhan o pasalamatan ang Padre Pio Chapel saka ang St. Jude Church sa Mendiola. Lagi ako nagsisimba sa Perpetual Help Church sa Cubao kasama ang Wonder Women.
25. Naranasan ko na mahold-up sa dyip. Walang nakuha sa akin pero nakakuha ako ng 4-stitches na sugat. Nabadtrip siguro dahil P50 lang ang laman ng wallet ko at naitago ko kagad ang cellphone ko.
26. Grade 4 ako nang sumama sa mga pinsan para magpatuli sa ilog. Yun yung ngunguya ka ng dahon ng bayabas at gagamitan ng labaha. Umatras ata si Jr. dahil sa takot. Ayun, sa hospital ako nagpatuli noong grade 5. (Me birthmark si Jr. kaya siguro makulit)
27. Hindi ako nagyoyosi. Mahina din ako uminom. (2bote, mukhang kamatis na. 5 bote, lasing na) Nearsighted din ako pero hindi ko palagi sinusuot ang salamin ko. Ginagamit ko lang to kapag nasa sinehan, classroom, nag-aabang ng sasakyan o pila sa fastfood. Kaya suplado daw ako kasi kapag wala akong salamin at kahit todo smile ka, hindi kita makikita. Moody din pala ako. Hmmm siguro kasi typical Gemini. (me ganun?)
28. <------ Ito ang edad ko ngayon. Ngayong araw, kung kelan pinost ang entry na to, ang kaarawan ko. (happy bday to me!) Salamat sa lahat na naging bahagi ng 28 taon na kakaibang road trip ng buhay.
Friday, 24 April 2009
Para Kay J.
ang taong minahal mo nung nakaraan, hindi mo makakalimutan kahit kailan - sabi-sabi sa tabi-tabi.
Abril - Ito ang hindi mo malilimutang buwan. Nagkakilala kayo sa panahong wala pa ang social networking. Kinalolokohan pa nun ang mga kakaibang private rooms sa yahoo chat. Hindi pa jologs sa mata ng nakararami ang mirc. Sikat at walang karibal ang nag-iisang Malate--ang itinuturing na tahanan ng naghahanap, hinahanap at nahanap na sarili. Yun ang panahon na naghahanap ka ng kakampi..ng karamay. Ang panahon na gabi-gabi kang umiiyak dahil naiinis, naaawa, natatakot ka sa iyong sarili. Ito ang panahon ng pagtuklas at pagsisimula ng iyong paglalakbay upang hanapin ang sagot sa mga makukulit mong tanong.
Text- Ang naging daan ng pagkakilanlan...Naging tawag- lalo na sa panahon na uso pa ang free calls ng mga higanteng mobile networks. Siya ang iyong naging kakampi. Siya ang naging gabay mo upang matapang na tahakin ang bago, sanga-sangang mga daan at paano basahin at intindihin ang mga komplikadong road signs . Hanggang...napagkasunduan ang isang pagkikita. Ito ang unang tikim mo sa sistema ng EB.
Intramuros- Dito nagsimula ang lahat. Dito ninyo binuo ang isang napakagandang samahan. Dito isinilang ang katauhan ni Japs. At dito mo isinabuhay ang gintong aral: magkaibigan kayo. Meron pa kayong kakaibang pangako: anuman ang mangyari, magkaibigan tayo. kahit me asawa at anak na tayo. walang magbabago. walang bibitaw. HINDI PEDE TAYO. Kasi pag tayo, pag naghiwalay, magkakagalit tayo. Naging maayos ang lahat..naging ok ang simula. Siya ang ang iyong ka-party para maglevel up sa panahon na addict ka sa khan at tantra. Naranasan ninyong matulog sa Luneta habang pinag-uusapan ang makukulay na pahina ng inyong buhay . Nagkaroon kayo ng monthsary ng pagkakaibigan. Alam niya na kumakain ka ng ice cream kapag hindi ka mapalagay. Alam niya kung kelan ka naiinis, natutuwa at nalulungkot. Siya ang sumusundo sa'yo minsan kung me topak ka sa buhay. Marami siyang alam.. maliban sa isa. Mahal mo siya....kasabay ng pagbabagong anyo ng Intramuros ay ang pag-usbong ng kakaibang damdaming ito. mahal mo siya dahil kagaya ng naisulat sa librong para kay B, naramdaman mo ang tatlong K: Kabog, Kilig at kirot.
Apat na taon- Ganito katagal ang naging bunga ng iyong matapang na pagsuway sa gintong aral. Hindi mo alam kung paano nagsimula. Pero markado kung paano ang pagtatapos.
Japs: Pede pa ba tayo.? Magsisimula uli. Sigurado na ako.
Ikaw: Hindi ko alam. Parang napagod na ata ako magmahal sa'yo.
Marami ang nangyari. Siya lang ang tanging tao na naipakilala mo sa iyong piling mga kaibigan. Siya lang ang taong nakapunta sa bahay mo at naipakilalang kaibigan ng walang pag-aalinlangan. Siya lang ang taong hindi mo nahihiyang akbayan sa harap ng madla sa takot na pag-iisipan ka ng mga malisyoso't malisyosa. Siya lang ang tao na kahit binubura mo na ang number sa phonebook, kabisado mo pa rin. Siya lang ang napagsasabihan mo ng lahat. Siya lang ang hindi mo makakalimutan. Siya ang dahilan kung bakit hanggang ngayon takot ka pa rin.
"at noon narealize ni Lucas, tapos na sia kay Bessie. At tapos na rin sia sa kanyang mga kwento. Pag-uwi niya ng bahay ay buburahin niya ang file at wala nang makakabasa pa sa mga iyon. Dahil hindi mo pedeng mahalin ang isang tao na hindi mo minamahal ang hilaga, silangan, timog at kanluran ng kanyang mga paniniwala. Kapag nagmahal ka'y dapat mong tanggapin bawat letra ng kanyang birth certificate. Kasama na doon ang kanyang libag, utot and bad breath. Pero me limit. Pantay-pantay ang ibinibigay na karapatan sa lahat ng mga tao upang lumigaya, o masaktan, o magpakagago, pero ka kapag sumara na ang mga pinto, nawasak na ang mga puso, nawala na ang mga kaluluwa at ang bilang ay umabot na sa zero, goodbye na." - Para kay B ni Ricky Lee
Wednesday, 22 April 2009
I hate Rainy Days

Right now...
I am extremely demotivated. I feel that I am losing the meaning of my existence..the value of hard work...my self worth. Why? because coming to work has become more stressful and annoying to me. I don't care anymore. All of the sudden, I feel so undignified.
I don't know why I am writing this blog entry. I think my brain cells get depleted. I am no longer the vampire my mind remembers. I feel a sense of inadequacy. I miss the old days.
I think I am struggling with my QLC, career, emotional crisis? The signs are becoming more obvious.
SCENARIO A: (TexT Conversation)
X: Msta? Ano n blta? Vampire: e2. la kwenta. gago p dn. kw msta?
X: pgod sa schl. 6 units n lng at thesis mata2ps k n MA ko. kw? wen ka magtu2ro? Wat plans mo?
Vampire: Di ko lam. Ewan. Bhala na.
X: Huh? Ano nangyari sau? di k nman dati gnyn a.
SCENARIO B: (YM CHAT)
iskolar22: Gusto po. Sige maya po email ko sau. busy lang e.
Kuya: Ano ka ba? parang di ka naman interasado. Laki sweldo dito kaysa jan kinikita mo sa Pinas. Ayaw mo ba dito?
iskolar22: Gusto ko po sana dito magturo kuya. Basta send ko po sau.
SCENARIO C: (Text)
QA: Me opening sa QA. apply ka na sa amin. Dala ka resume maya
Vampire: Gusto ko yan. Sige check ko.
I have zero level of confidence. I have the tendency to stay in my comfort zones. I am confused if I must stay and step up or move out and fulfill my passion- to inspire young minds.
Damn it....
I hate rainy days..
Tuesday, 14 April 2009
Wonder Women
In my friend, I find a second self. ~ Isabel Norton
Friend...Mare...Dyosa...Lady Elle.... Yan ang tawag niya sa inyo. Wonder Women ng kulay rosas na buhay niya. Kayo ang nagsisilbing road signs sa kanyang mahaba at pasikot-sikot na paglalakbay; Eye shades upang maging banayad ang pagkasilaw sa liwanag ng pagkatuklas, pagtutuklas at tutuklasing sarili. Kayo ang may pinakamalaking tenga na walang sawang nakikinig sa kanyang kakornihan at naiirita sa kanyang kabaliwan at pinakamaking boses na nagbubulyaw o kumakantyaw sa mga panahon na siya'y nabibingi o napipipi. At dahil sa pambihira ninyong kagandahan, nararapat lamang na kayo ay pasalamatan. Sa inyong espesyal na araw (Abril15 at 19), isang pagpupugay ang ilalaan dahil kayo ang QUEEN ELIZABETH at JOAN OF ARC ng kanyang kasaysayan.
QUEEN ELIZABETH-- Di niya matandaan kung paano siya nakapasok sa iyong kaharian. Ang alam lang niya sa unang pagkakataon na nasilayan niya ang iyong kagandahan at narinig ang kakaibang lakas ng iyong tinig, nasabi niya sa sarili na ikaw ay kabilang sa dugong maharlika. Isa sa mga
pedeng pagkatiwalaan ng kanyang natatanging katauhan.Di nga siya nagkamali dahil ang unang thursday group bonding sa fazolis ang nagbigay sa kanya ng pagkakataong pansamantalang makatakas sa kanyang nilikhang kulungan na naglalayong protektahan ang kanyang sarili sa mapanghusgang mata at saradong isipan. Lumipas ang maraming huwebes hanggang ito'y maging linggo. Ang thursday group ay naging dakilang araw para kay bro at ang fazolis ay pinalitan ng pizza hut. Saksi ang paborito ninyong pizza, pasta at kakaibang husay mo sa sining ng pag-iimbestiga sa unti-unting pagbubukas niya ng janyang johari window. Nakakatuwang isipin na sa maraming beses na siya ay iyong pinahamak dahil sa kinagigiliwan mong bungee jumping, naging matapang siya sa pagharap sa kanyang kinatatakutan-ang kanyang sarili. May mga pagkakataong nasaktan mo siya pero labis siyang nagpapasalamat sa iyong pagtanggap at paalala. Saludo siya sa iyong katapangan at kakaibang lakas sa pagharap sa hamon ng buhay. Naging inspirasyon ka sa kanya. Tinuruan mo siya kung paano lumaban at maging matapang.
JOAN OF ARC--- Naalala mo pa ba ang kwento ng sundae? Ito ang tatak ng kanyang panghihina. Kaya sa araw na kanyang sinuko ang pakikipaglaban sa sarili, sundae ang kanyang kaulayaw habang maingat na ibinabahagi sa'yo ang kasaysayan ng kanyang pakikidigma. Hindi niya alam kung paano ka pasasalamatan. Labis siyang natutuwa at naging magiliw kang tagapakinig at saksi sa kwento ng ubas, ang alaala ni Japs, pangungulit ni school bum at pamamaalam kay Aquinas. Para kang diary ng kanyang buhay. Alam mo kung paano siya nagsimula, kung paano niya hinahanap ang kanyang sarili at paano siya natatakot na hindi siya matanggap. Alam mo ang dahilan kung bakit siya masaya, naiinis, natutuwa, kinikilig o natatawa. Dahil sa iyong pag-unawa at pagtanggap, nagiging madali sa kanya ang pagkilala at pagmahal sa sarili. Dalangin niya nawa'y hindi ka magsawa na samahan siya sa kanyang iba pang pakikipaglaban. Alam mo ba, hinahangaan ka niya sa angkin mong katalinuhan. Tunay ngang nag-iisa kang lyka at Dyosa sa buhay niya.
Para sa inyong dalawang mahalagang babae sa kanyang buhay, maraming salamat sa walang sawang pag-unawa sa aking kaibigan. At ikaw, kaibigan ko, sorry sa lahat ng aking pagkukulang. Yaan mo, kapag sobrang matapang ka na. Sasamahan kitang sabihin sa kanila kung sino ka talaga.



Sunday, 12 April 2009
Ang sabi ng Baraha
Natagpuan sa mundo ni John Vincent aka Jay Vee
Aking sinubukan
At natuklasan ...
You are The Hermit
Prudence, Caution, Deliberation.
The Hermit points to all things hidden, such as knowledge and inspiration,hidden enemies. The illumination is from within, and retirement from participation in current events.
The Hermit is a card of introspection, analysis and, well, virginity. You do not desire to socialize; the card indicates, instead, a desire for peace and solitude. You prefer to take the time to think, organize, ruminate, take stock. There may be feelings of frustration and discontent but these feelings eventually lead to enlightenment, illumination, clarity.
The Hermit represents a wise, inspirational person, friend, teacher, therapist. This a person who can shine a light on things that were previously mysterious and confusing.
What Tarot Card are You?
Take the Test to Find Out.
Friday, 10 April 2009
MGA UP's NG BUHAY (Lessons of Good Friday)
Sorry Bro. It's 4 out of 3. 4 UP's and 3 downs. 1)Hindi ko napigilang uminom ng paborito kong kape. Puyat at tensyonado kasi. Tingin ko kailangan ko talaga ng dagdag ng lakas ng loob. Pakiramdam ko isa akong Jeep na kailangan ng gasolina para umandar. 2) Di ko kinayang magpatay ng telepono. Hay! Tsk!..Tsk!.. Nakayanan ko nga wag magtext (dahil siguro ala ako load..) Pero di ko nakayang wag buksan, silipin at basahin ang mga pang-aakit nina lil bro, big bro, hot, super hot at supernova. Mahina ako. Mahinang-mahina. at 3) Ang ingay-ingay ng brain cells ko. Madaming gusto ikwento. Madaming gusto isulat. Gustong maglakbay ng diwa ko. Gustong inumin ang creative juices ng iba. Kaya ayun, blog hopping ako at eto, sinusulat ang pagkabigo at pag-amin na hindi naging mabisa ang pito-pito ko. Gayunpaman, napagtanto ko na hindi kailangan ng espesyal na araw para maging mabait, mas mabuti o higit na banal. (o baka palusot lang ako.hehehe)
Pero tingin ko, 7 talaga ang lucky number ko. Paano isa sa mga text messages na nabasa ko ay galing kay insan: Seven (7) UP's for a Wonderful Life. Nagkaroon tuloy ako ng pag-asa. Siguro ito ang 7 signs para madali kong mapatawad ang sarili ko sa pagiging mahina..(Masyado ata akong seryoso sa pito-pito penitensiya ko). Kaya pagkatapos ng pito-pito, subukan ko naman uminom ng 7 UP. Baka ito ang mabisang pamatid-uhaw sa ala sahara desert na buhay at adventures ko. (Narito ang kabuuan ng message ni insan)
1. Wake UP! ... Decide to have a good day.
2. Dress UP! ... Put on a smile each day.
3. Shut UP! ... Learn to listen.
4. Look UP! ... To the Lord.
5. Stand UP! ... For what you believe in
6. Reach UP! ... For something higher.
7. Lift UP! ... Your prayers.
Pagkatapos ko basahin ang text ni insan, naisip ko na parang may kulang. Madami atang UP's sa ating makulay na buhay. Sa panahon ngayon, ang buhay at ang mabuhay ay parang isang UPrising! Ang pakiramdam ng nakararami sila ay nahohold UP. Siguro dahil sa hindi UP-to-date na serbisyong pampubliko, UPshot ng korapsyon, ang paglevel UP ng presyo ng mga pangunahing pangangailangan at pati na rin ang patuloy na paglayo ng agwat sa pagitan ng masa at UPperclass. Kaya siguro lalo pang lumalakas ang UProar ng mga nasasaktan at tumitindi ang banta ng UPheaval.
Siguro naman hindi pa huli para mawala at mabago ang UPside down nating kalagayan. Pede pang i-UPgrade ang hindi kagandahang UPbringing. Kailangan lang natin siguro i-UPlift ang ating mga sarili para mas maging UPbeat tayo sa pagiging mentally, spiritually, morally, culturally at socially UPright. Subukan nating i-UPhold at i-live UP ang mga aral ng pagpapasakit sa krus ni Bro. Isa itong matibay na sandata para huwag kaagad mag give UP sa samo't saring hamon ng buhay.
Para kay Bro, sorry po sa UPset ng pito-pito
Para sa sarili ko, i-bottoms UP ang 7 UP
At para sa lahat, cheer UP !.... Sana maging makabuluhan ang ating Good Friday.