Wednesday, 24 June 2009

PUNO ng Alaala


... Alam mo ba kung ano ang Faces? Kilala mo ba si Ate Gieleen? Nabulabog ka na ba ng VolleyBagan? Napanood mo ba ang Ligwakan ng mga kandidato ng Student Council? Sumali ka ba sa Jologs quiz Show? Alam mo ba ang Sagulapi? Nakita mo si Bruce Quebral? Nakigulo ka ba kapag may General Assembly? Inabangan mo ba si Manong Potpot na may mainit na monay? Nandun ka ba noong Open House? Naalala mo ba si Den Reyes? Yellow ba ang kulay ng sofa sa piano area?...

Kung OO ang karamihan sa mga sagot mo, malamang.... taga YAKAL ka! At kapag alam mo to lahat, sigurado ako, batchmate tayo.

YAKAL - Isa lang ito sa mga co-ed dorms na makikita sa loob ng UP Campus. (Ang mga dorms ay may pangalan na hango sa puno o bulaklak). Nasa likod ito ng College of Eng'g na kapitbahay ng Kalay at Ipil. Ito ang itinuturing na tahanan ng mga kagaya kong promdi. Pagpasok sa yakal, tatambad na kaagad ang information counter. Dun nakatambay ang student assistant na pinagpapantasyahan kapag cute at pinagtitripan at tagatanggap ng mura, singhal at reklamo ng mapagmahal na mga residente kapag etuc. Andun din nakalagay ang logbook na puno ng kasinungalingan at kalaswaan. Nasa bandang gitna ang waiting area na tambayan ng mga nagpapacute, naghahanap ng cute at kabaliktaran ng mga cute. Nasa harapan nito ang isang TV na tila kampana sa simbahan- tagahudyat kung kelan magsisimula ang kakaibang misa. Ang misa na puno ng kakaibang eksena- me nangungulangot habang pinapanood ang kontrabidang si Selena, nag-aagawan ng remote control para sa puso o pamilya?, nakikipaglandian o nakikipag tsismisan kung sino ang paminta, sino ang hot dormer at sino ang bagong member ng bi now, gay later policy. Katabi ng counter information ay ang nag-iisang ref kung saan nakapaskil ang malaking babala: BEWARE OF POISON. Dito din nakapuwesto ang pay phone na parang blockbuster movie sa haba ng pila at sa bandang likod ang silid ng Reyna. Dito nagmamakaawa ang mga pusong napariwara. Dorm Manager ang pangalan niya.

Ang Yakal ay nahahati sa walong wings. East wing 1&2 Boys/Girls at West Wing 1&2 Boys/Girls. Sa bawat wing ay may isang communal cr kung saan ang mga pintuan ay tadtad ng reklamo at sikreto. At ang bawat kwarto ay binubuo ng 2 double deck bed, isang mahabang mesa, apat na locker at may nagmamay-ari na apat na magkaibang katauhan. Ako ay kabilang sa east wing 1. Ang kwarto namin ang sentro ng wing. Dito makakabili ng pancit canton, de-lata, blue book at kung anu-ano pa. Dito rin madalas makita ang log Book ng wing- ang tanging saksi sa makulit na kasaysayan ng iba't ibang mukha, ugali at paniniwala.

Ibang klase ang buhay dorm. dito nahubog ang konsepto ng pakikisama, nabigyan ng tunay na kahulugan ang palasak na salitang bonding, nabuo ang mainit na relasyon, nawasak ang nanlalamig na puso, lumaya ang saradong isipan, lumawak ang makitid na kamalayan at tumatag ang mahinang kalooban. Ang bawat umaga ay tila isang star-studded concert. Nag-uunahan sa pagbirit ang maiingay na alarm clock. Nagmamadali ang bawat gripo at nag-uunahan ang mga paa. Ang bawat gabi naman ay tila party. Pagkatapos ng tradisyunal na room check, sisimulan na sa kabilang room ang toma, movie marathon naman sa katapat, food trip sa unahan, sound trip sa bandang dulo at may iilang mga mata na kayang makipagsabayan sa 7-11 bukas ito 24 hrs habang pinapadugo ang malaking utak. Minsan iyong maririnig ang garalgal na boses ng intercom na pilit nakikipaglaban sa malakas na boses ng fratman at hiyaw ng kasapi ng babaylan habang sinasabing: Paging Mr. Juan De la Cruz, You have a visitor. Gayunpaman, pagsapit ng sabado, makakapagpahinga ang mga gripo at magkakaroon ng katarungan ang OBSERVE SILENCE na nakapaskil sa pintuan. Ang araw kung kelan, naging BAMPIRA ang aking pangalan.

Kasing tatag nga ata ng punong ito ang alaala ng aking nakaraan..ang aking katauhan.. ang imahen ko sa kasalukuyan.

17 comments:

Jinjiruks said...

at sa yakal rin nabago ang pagkatao mo bampira!

gillboard said...

can't relate ako... never ako nagdorm... pero namiss ko ulit ang college dahil dito.. kahit di pa ako sa UP nag-aral..

sigh.

Allan said...

ndi ako nagdorm, kaya mejo ndi rin ako makarelate. pero brings back memories ng college life. pero sa'kin more of buhay-org ang naalala ko. mga bonding, away, makulay na application process, atbp. parang ang sarap ng buhay-kolehiyo. wala mashado problema. ngaun... huhuhu. ahaha!

peyups ka rin pala. parang andami sa bloggers taga-UP ah..

ACRYLIQUE said...

Di rin ako taga-Yakal. pero aliw ang nagyari sa Yakal. Kinalimutan ko na ang buhay kolehiyo, dahil sobrang nostalgic, wala akong magawa kundi alalahanin. :)

HOMER said...

Hindi ako nakaexperience magdorm, apartment lang, pero college life has been fun for me.. :)

Aris said...

Ang galing ng pagkakasulat. Ang ganda ng descriptions. Para akong nakapasok sa dorm. :)

Hari ng sablay said...

di ko lam ang yakal,pro ngdorm din ako dati nung college.

dami din ako ntutunan,at mraming beses din ako sumablay...

. said...

Ano kaya ang naging buhay ko, kung naging isko ako nung undergrad. Nagkabangga kaya tayo? Ehehehe.

. said...

Knox Galen nga pala to.

kyle said...

sa dorm ko din nalaman ang totoo kong pagkatao... haha :)

<*period*> said...

pwede po bang humingi ng pabor? nakaleave ako sa work ko from june 27-july 6..birthday ko sa july one..pwede mo ba akong i-tour sa UP Diliman? tapos kain tayo ng madaming isaw dun sa kilalang isawan dun..sana mapagbigyan mo ako...pabertdey mo na po..gusto ko kasi maexperience ang buhay UP kahit one day lang

wanderingcommuter said...

i always wonder, how yakal looks like inside... or perhaps what does a dorm looks like.

Visual Velocity said...

Pareho pala tayo ng kolehiyong pinanggalingan? Ehehe. Hindi ko nga lang naranasan mag dorm. Nakapasok na ko ng Sampaguita at Narra, pero yung Yakal hanggang reception area lang ako. Yung officemate ko nag dorm siya nung college. Grabe daw, paminsan walang tubig. Patay-patay tayo jan. Pero enjoy naman daw.

yoshke said...

mukhang maroon na maroon ang dugo mo ah. haha.

never ako nagdorm. :(

Jinjiruks said...

nasasabik na ako sa susunod mong post.

Yas said...

wahaha. putragis. apir apir!

nagdorm din ako. di nga lang co-ed. at yun ang pinakamasayang bagay na nangyare sa bahagi na yun ng buhay ko. haha. mabuhay ang seminaryo!

hulolhz. apir!

yan said...

nagdorm ako sa kalay at molave (for three years). dahil lang sa may accessible food though di ganun kasarap kaya pinili ko molave,
sumasali kami sa mga quiz shows sa yakal though hanggang finals lang. hahaha

masaya nag buhay dorm kahit magulo at masakit sa ulo.

wala nga lang akong nakilalang s.o. sa dorm. lol