Wednesday, 24 June 2009

PUNO ng Alaala


... Alam mo ba kung ano ang Faces? Kilala mo ba si Ate Gieleen? Nabulabog ka na ba ng VolleyBagan? Napanood mo ba ang Ligwakan ng mga kandidato ng Student Council? Sumali ka ba sa Jologs quiz Show? Alam mo ba ang Sagulapi? Nakita mo si Bruce Quebral? Nakigulo ka ba kapag may General Assembly? Inabangan mo ba si Manong Potpot na may mainit na monay? Nandun ka ba noong Open House? Naalala mo ba si Den Reyes? Yellow ba ang kulay ng sofa sa piano area?...

Kung OO ang karamihan sa mga sagot mo, malamang.... taga YAKAL ka! At kapag alam mo to lahat, sigurado ako, batchmate tayo.

YAKAL - Isa lang ito sa mga co-ed dorms na makikita sa loob ng UP Campus. (Ang mga dorms ay may pangalan na hango sa puno o bulaklak). Nasa likod ito ng College of Eng'g na kapitbahay ng Kalay at Ipil. Ito ang itinuturing na tahanan ng mga kagaya kong promdi. Pagpasok sa yakal, tatambad na kaagad ang information counter. Dun nakatambay ang student assistant na pinagpapantasyahan kapag cute at pinagtitripan at tagatanggap ng mura, singhal at reklamo ng mapagmahal na mga residente kapag etuc. Andun din nakalagay ang logbook na puno ng kasinungalingan at kalaswaan. Nasa bandang gitna ang waiting area na tambayan ng mga nagpapacute, naghahanap ng cute at kabaliktaran ng mga cute. Nasa harapan nito ang isang TV na tila kampana sa simbahan- tagahudyat kung kelan magsisimula ang kakaibang misa. Ang misa na puno ng kakaibang eksena- me nangungulangot habang pinapanood ang kontrabidang si Selena, nag-aagawan ng remote control para sa puso o pamilya?, nakikipaglandian o nakikipag tsismisan kung sino ang paminta, sino ang hot dormer at sino ang bagong member ng bi now, gay later policy. Katabi ng counter information ay ang nag-iisang ref kung saan nakapaskil ang malaking babala: BEWARE OF POISON. Dito din nakapuwesto ang pay phone na parang blockbuster movie sa haba ng pila at sa bandang likod ang silid ng Reyna. Dito nagmamakaawa ang mga pusong napariwara. Dorm Manager ang pangalan niya.

Ang Yakal ay nahahati sa walong wings. East wing 1&2 Boys/Girls at West Wing 1&2 Boys/Girls. Sa bawat wing ay may isang communal cr kung saan ang mga pintuan ay tadtad ng reklamo at sikreto. At ang bawat kwarto ay binubuo ng 2 double deck bed, isang mahabang mesa, apat na locker at may nagmamay-ari na apat na magkaibang katauhan. Ako ay kabilang sa east wing 1. Ang kwarto namin ang sentro ng wing. Dito makakabili ng pancit canton, de-lata, blue book at kung anu-ano pa. Dito rin madalas makita ang log Book ng wing- ang tanging saksi sa makulit na kasaysayan ng iba't ibang mukha, ugali at paniniwala.

Ibang klase ang buhay dorm. dito nahubog ang konsepto ng pakikisama, nabigyan ng tunay na kahulugan ang palasak na salitang bonding, nabuo ang mainit na relasyon, nawasak ang nanlalamig na puso, lumaya ang saradong isipan, lumawak ang makitid na kamalayan at tumatag ang mahinang kalooban. Ang bawat umaga ay tila isang star-studded concert. Nag-uunahan sa pagbirit ang maiingay na alarm clock. Nagmamadali ang bawat gripo at nag-uunahan ang mga paa. Ang bawat gabi naman ay tila party. Pagkatapos ng tradisyunal na room check, sisimulan na sa kabilang room ang toma, movie marathon naman sa katapat, food trip sa unahan, sound trip sa bandang dulo at may iilang mga mata na kayang makipagsabayan sa 7-11 bukas ito 24 hrs habang pinapadugo ang malaking utak. Minsan iyong maririnig ang garalgal na boses ng intercom na pilit nakikipaglaban sa malakas na boses ng fratman at hiyaw ng kasapi ng babaylan habang sinasabing: Paging Mr. Juan De la Cruz, You have a visitor. Gayunpaman, pagsapit ng sabado, makakapagpahinga ang mga gripo at magkakaroon ng katarungan ang OBSERVE SILENCE na nakapaskil sa pintuan. Ang araw kung kelan, naging BAMPIRA ang aking pangalan.

Kasing tatag nga ata ng punong ito ang alaala ng aking nakaraan..ang aking katauhan.. ang imahen ko sa kasalukuyan.

Friday, 19 June 2009

Alay sa HARI

Nagtatampo ako sa'yo. Dahil hindi mo ako tinuruang maglaro ng basketball, sumakay sa bisikleta at lumangoy sa dagat. Hindi mo nakita kung paano ako nahirapan noong ako'y tinuli at umiyak nang matalo sa suntukan dahil sa dayaan sa gagamba o larong tatsing at goma. Wala ka sa panahong gusto kong magkwento tungkol sa aking puppy love, hindi mo ako nabigyan ng advise tungkol sa Ka-MU ko noong first year at paano magpakatatag sa unang pagkabasted noong hayskul. Wala ka sa maraming mahahalagang pangyayari sa buhay ko.

Nagtatampo ako sa'yo NOON dahil hindi ko maintindihan kung bakit kailangan wala ka. Kung bakit tuwing 2 taon lang nabubuo ang family picture natin.

NGAYON, dama ko ang pangungulila sa bawat araw, buwan at taon na hindi mo kami kasama. Nauunawaan ko ang sakit at kirot ng iyong kalooban dahil hindi mo nakita ang paglaki ng iyong panganay, ang unang hakbang ni bunso, ang pagkailang ng dalawang mahalagang tao sa buhay mo tuwing ika'y dumarating. Nakikita ko ang lungkot sa iyong mga mata dahil sa maraming pagkakataong hindi mo nasilayan. Sa pag-aarugang gusto mong ibigay at pilit pinupunan ng pinapadalang dolyar at balikbayan box.

Huwag kang mag-alala. Sa darating na BUKAS, kapag ok na si bunso, ituturing ka naming Hari. Ang iyong hiling ay aming susundin. Hindi na luluha ang iyong mga mata sa pangungulila, hindi na mapapagod ang iyong puso sa pananabik sa muling pagkikita. Hindi na kailangang hintayin ang 2 taon para mabuo ang family picture. Araw-araw mo nang makakasama ang iyong iniirog na Reyna. Hindi na magiging mapanglaw ang iyong kaharian.

Tandaan mo na NOON, NGAYON at BUKAS .... IKAW ang BEST TATAY!

Wednesday, 17 June 2009

TRENTA

..... 5 am natapos ang shift mo. hindi pa rin gumagana ang utak mo. hindi pa rin nag-aadjust ang bio clock mo dahil noong nakaraang linggo yan ang simula ng iyong shift.

..... 4 na oras pa ang hihintayin mo. Inaabangan mo ang pagbukas ng bangko. Pasukan na naman. Si bunso nag-aabang ng allowance. Hay, ang hirap din maging kuya.

..... 3 libo na lang natitira sa'yo. pagkakasyahin mo yan hanggang sa susunod na sweldo. gastos mo kasi. yan madami beses kang mag-isip bago gumastos. ilang araw pa ba bago ang sweldo?

..... 2 araw ka na sa bago mong trabaho. bagong assignment, bagong mukha, bagong pakikisama, bagong mundo. bagong plano. kelan kaya magbabago ang sweldo mo?

..... 1 lang ang napatunayan mo. dahil sa mga pagbabago sa linggong ito, LUMULUTANG ang isip mo. kaya hindi mo alam kung ano ang sinusulat mo. bakit ba 30?

dahil yan ang product pag na-multiply sa 2 ang total ng lahat ng mga numbers na naisip mo sa entry na to. Times 2 dahil dalawang araw ng LUMULUTANG ang isip mo.

Ayan.... Lumulutang ang 30th entry mo.

Saturday, 13 June 2009

Biyaheng Utak (Part 3)


COLLEGE YEARS: SWIM OR SINK?

".. Ang buhay ay parang IKOT jeep. Ang iyong patutunguhan ay siya ring iyong pinanggalingan. UP lang ang may TOKI, sa buhay wala nito. Pero nasasaiyo na yon kung nais mong pabaligtad ang takbo ng buhay mo.." excerpts of commencement speech given by Ryan Cayabyab to the graduating class of 2005

U.P.-- Ito ang pinangarap mong pamantasan. Ang pinapaniwalaan mong magbibigay ng sagot sa napakadami mong katanungan noong sinimulan mo ang byaheng utak. Iniyakan mo pa ito dahil sa mga balakid sa iyong planong paglalakbay sa mapanghamon na pamayanan ni Oble."Wag na dun, magiging fratman ka lang... puro rally lang ang alam ng mga tao doon.. UP is an overrated university..UP will make or break you..magulo doon...Magiging aktibista ka lang" Ikaw ang nasunod. Wala silang magawa. Buong tapang mong binitbit ang gintong medalya na inaasahan mong maging sandata upang simulan ang madugo, makulay at kakaibang ikatlong yugto ng paglalakbay. Handa kang palayain ang iyong kamalayan. Handa ka na sa panibagong biyaheng utak!

1998-44859. Ito ang plate number ng buhay mo sa biyaheng UP. Ito ang tatak ng iyong pagkatao. Laman ng form 5 kung saan nakalista ang mga dapat pag-aralan o gabay sa pagtupad ng pangarap. Makikita din ang numerong ito sa iba mo pang mahahalagang dokumento at isa na dito ay ang Bluebook-- Ang pinakamurang notebook sa balat ng lupa sa halagang P2.00. Ito ang saksi ng iyong madugong pakikibaka sa ibat-ibang uri ng utak ng mga demonyo sa Math Bldng, alien sa College of Science, showbiz personalities sa Arts and Letters at ibang pang mga taong naging bida at kontrabida sa mundo ng GE subjects. Sa mundong ito hinasa ang iyong utak upang magkaroon ng tinatawag na tatak isko/iska-ang common denominator ng mga apo ni Oble. Ito ang mundo kung saan kakulitan mo ang lahi nina plato/marx at iba pa sa soc sci 2, kumapal ang mukha mo sa art of public speaking sa comm 3, nakitsismis ka sa eskandalo ng buhay ni Rizal sa PI 100. Teka, umatend ka ba talaga ng STS class sa CS Aud? Ito rin ang pinag-aawayan at iniiyakan tuwing Registration dahil pahirapan sa slot. Ang Reg Period ang pinakamadugong panahon sa iyong buhay. Dito mo nasaksihan ang iba't ibang mukha ng pinoy sa panahon ng kagipitan. Nandiyan ang siksikan, tulakan, dayaan sa pila at kadalasan ay luhaan dahil walang slot. Sa panahong ginawa mo na ang lahat at hindi ka pa rin nakapag-enlist,
Prerog (Teacher's Prerogative) ang iyong huling pag-asa. Naranasan mo na ito sa iyong soc sci 2 kung saan pumunta ka sa unang araw ng klase nakipila, nagmakaawa at nagpabibo na parang papasok sa bahay ni kuya. Isa ka sa mga mapalad na maging biktima ng Prof na araw araw ay nagbabalasa ng class card. Ang bawat pagkikita ay isang academic adrenalin rush. Kaya pagdating ng finals, na-aapreciate mo ang poetry. You think you shall never see a grade as lovely as three.

Mga bagay na hindi mo makakalimutan:

** Ang maging Bionicman. Kailangan mo lumipad mula isang building papunta sa kabila sa panahong naging tanga ka. Ang Registration ay isang napakahalagang desisyon. Kailangan mo isaalang-alang ang oras, subject, prof, prereq, requirement ng subject at building kung saan magaganap ang klase. Note: sadista ang karamihan sa mga prof. Iniisip nila, subject lang nila ang kinukuha mo sa boung sem.

** Ang isaw ni Mang Larry sa kalay, BBQ sa Beach House, SpicyChickenSilog sa Rodics, Ang tipid meals sa AristoCarts lalo na sa likod ng Eng'g, Thai food sa IC na lumipat sa balara, Unlimited rice sa Mang Jimmy's, food trip sa KNL, lutong bahay sa Area 2, tambay sa chocolate kiss, COOP Canteen, exotic food sa University Arcade at sino ang hindi nakakain sa CASAA, tusuk-tusok the fishballs at abangan ang monay na may palamang cheese ni manong potpot.

** Oblation run na minsan mo lang napanood, ang pag-aabang sa galing ng FA tuwing Lantern Parade, ACLE, Sem break issue ng Kule, UP Fair, iniation ng mga University Orgs neophytes. UAAP Cheerdance, Live AIDS ng samaskom, pakiki-usyuso sa Eng'g week, Faces sa Yakal, manood sa Film center, org-sponsored events, maging neophyte sa org, tambay hours

** Enlistment, Reg Period, CRS, tambay sa library hanggang hatinggabi, matulog sa Sunken Garden, tambay sa Lagoon, jogging sa Acad oval, maglakad sa betaway pag gabi, tambay sa AS steps, pumila sa AS 101, pumila sa 2nd flr ng PNB building, photocopy sa shopping center, magic cards sa harap ng lib, sumalampak kahit saan, sumali sa welga

** Cram sa papers, departmental exam sa Nat Sci, pakikipagtalo sa classmate at sa prof, pagpupuyat sa math exam tapos bagsak pa din, critical paper, term paper, reaction paper, nakakatawang graffiti sa upuan/cr/pader, pagkuha ng classcard sa FC, pakikipag-agawan sa reserved section, ikot, toki, pagpasok na nakapambahay, powerpoint presentation sa sts

hay...... nakakamiss ang Kulturang UP!

Ano ang natutunan mo?

Natutunan mo na marami ka pang hindi alam. Na hindi lahat ng matalino ay magaling. Natutunan mo kung paano mabuhay at mahalin ang buhay. Dito nabuo ang iyong prinsipyo, lumawak ang iyong mundo, nahasa ang iyong utak, nawasak at natuwa ang iyong puso, nagkaroon ng kulay ang iyong pagkatao.

Ang klasrum, libro, required readings, boses ni prof, angal ni klasmeyt, utak ng iskolar sa iba't ibang bahagi ng Pinas, palitan ng ideya sa kung anuman, pakikipagtalo .... ang nagpalaya sa iyong kamalayan, nagbigay liwanag sa iyong kaisipan. Pero ang acad oval, ikot, toki, paglalakad, pakikibaka, pagpila, bagsak na grades, kulang na allowance, pawis, kaba, takot at minsang pagluha .... ang nagbigay tatag at tibay sa iyong kalooban.

Gaya ng palagi mong sinasabi, dito mo natutunan ang tatlong S sa buhay: Sacrifice, Service at Survival.

Salamat Oble!

Thursday, 11 June 2009

Nasaan KA?


Hinahanap KA ..

ng mga paslit na nakikipaghabulan sa mga kalaro nilang sasakyan
ng mga dilag na sumasayaw sa mapang-akit na ritmo ng kamunduhan
ng mga lalaking nagtatago sa mga makukulay na maskara
ng lahat ng mga taong naging biktima dahil IKAW ay nawawala...

.....................

Ang sabi ng iba, nandito ka lang daw. Pero bakit marami ang naghahanap sa'yo? Pero aaminin ko minsan hindi rin kita mahagilap. May mga panahon na ang pakiramdam ko ay pinagtataguan mo ako, tinatago ka nila sa akin o hindi lang talaga kita makita dahil malabo ang aking paningin sa pagkakataong hinahanap hanap kita. Siguro kagaya ng maraming naghahanap sa'yo, hindi lang talaga namin ikaw lubusang kilala. Baka nga magkaiba kami ng pagkakilala sa iyong pagkatao. O baka naman dahil meron kaming magkaibang kultura, paniniwala at karanasang kinalakhan, nagkaroon din kami ng samo't saring interpretasyon sa iyong pangalan.

Naalala ko dati, lagi tayong magkasamang maglaro. Naghahabulan tayo sa pilapil habang nagpapalipad ng saranggola. Kasama kita sa paglanghap ng sariwang hangin habang umaakyat sa puno ng duhat tuwing panahon ng tag-init. Andun ka din tuwing kabilugan ng buwan. Pinagmamasdan mo kaming naglalaro ng patintero o kaya ay taguan. Kaya lang, nang unti-unting lumalawak ang aking mundo at dumadami ang aking nalalaman, unti-unti ka ding lumalayo sa aking tabi. Pero mas tama sigurong sabihin na ako ang unti-unting lumalayo sa'yo. Minsan kasi, natatakot akong maparusahan. Sige na nga. Kadalasan kasi ay duwag ako. Takot lumaban. Pero noong mag-aral ako dito sa Maynila, naging malapit uli tayo sa isa't isa at dito marami akong nalaman tungkol sa'yo. Nalaman kong makailang beses ka pinagsamantalahan.Yung iba ginagamit ka para pagkakitaan. Marami na rin ang namatay, pinatay o nagpakamatay dahil sa'yo. At ngayon, labis akong nag-aalala dahil sa iilan na bumabalak kumitil sa iyong buhay. Madami pa sana akong gusto ikwento tungkol sa'yo pero alam ko naman na lahat kami ay may kanya kanyang bersyon ng iyong pagkatao. Siyanga pala, tuwing tumitingin ako sa Salamin , hindi kita makita. Nahihirapan tuloy akong manalamin..

Nasaan KA nga ba, KALAYAAN?

Tuesday, 9 June 2009

Salamin

Muli mong tiningnan ang iyong repleksyon.... Sinuri nang mabuti .... Isang malalim na buntong hininga ang pinakawalan ... At ikaw ay napailing.

Ganito ka araw-araw. Tinitingnan ang sarili sa salamin. Sa bawat sandali na siya ay iyong sinisilip, iba't ibang emosyon ang iyong nadarama. Pero sa araw na ito, nakita kitang malungkot at may kaunting takot.

Ilang taon mo na ba itong ginagawa? Hindi ko na rin matandaan. Marahil napagod na din ako sa kakasilip sa'yo. Ang kulit mo kasi. Bakit ba masyado kang apektado sa iyong nakikita? Akala ko ba tanggap mo na ang kulay ng iyong balat. Ang hugis ng iyong mukha. Ang hubog ng iyong katawan. Akala ko ba, handa mo nang ipasilip sa iba ang repleksyon mo? Akala ko ba handa mo nang palayain ang iyong imahen?

Di ba ang sabi mo, hindi naman mahalaga kung anong makikitang repleksyon. Dahil ang mga salamin ay dekorasyon lamang. Ang imahen na ipinapakita nito ay bahagi lamang ng iyong sarili...hindi ang iyong kabuuan..hindi ang iyong pagkatao. Pero bakit ngayon, muli kang nagpapaalipin at nabubulag sa iyong nakikita?

Hanggat patuloy kang matatakot at maduduwag sa iyong imahen, hanggat patuloy kang magpapaalipin sa iyong sariling salamin... Hindi kakikitaan ng ngiti ang iyong mapupulang labi.. Kaya habang may panahon pa, basagin mo na ang sarili mong salamin. Dahil baka masugatan ka pa kapag ito ay winasak ng iba habang ikaw ay nanalamin.

Sunday, 7 June 2009

Biyaheng Utak (Part 2)


HIGH SCHOOL YEARS: Triumphant days/ Years of Agony

"You will know who I am, When you forget my name." -- Jim Paredes, Humming in my Universe

... Sabi nila, D Best daw ang buhay hayskul. siguro tama sila. pero sa kaso niya, ito ang panahon na nagsimulang gumulo ang kanyang isipan. Dahil sa matagumay na unang yugto ng biyaheng utak, naging usap-usapan ng mga matatabil na dila ang magiging kapalaran niya sa ikalawang yugto ng paglalakbay. May nagsasabi na hindi na niya kakayanin ang bagong hamon. Meron din naman nagsasabi na baka sakaling lumusot dahil ang kanyang kamag-anak ay may mataas na katungkulan. Marami ang nagduda sa kanyang kakayahan, maliban sa kanyang mga magulang. Kaya sa unang taon pa lang ng paglalakbay, kaagad niyang ipinamalas ang husay. Ito ang naging dahilan upang mabura ang mga alinlangan. Ito rin ang simula ng kanyang kalungkutan. Dahil ang bawat tagumpay, medalya, tropeo at karangalan ay inaasahan na sa kanya. Ang kabiguan ay isang krimen. At sa apat na taon niyang pag-iwas sa krimen, apat na taon din niyang pinagkaitan ang sarili masunod lamang ang kasiyahan ng nakararami. Siya ay naging kriminal at biktima ng sariling desisyon, maling akala, mapanuring lipunan at tradisyunal na paniniwala. Subalit ang totoo, hindi niya alam kung sino talaga ang kalaban at kakampi. Gayunpaman, lubos siyang naniniwala na minsan, kinakailangang mangyari ang isang digmaan. Subalit ang kanyang kaunting kaalaman ay hindi pa sapat upang magapi ang itinuturing na kalaban.

Makukulay na alaala ng Buhay Hayskul:

1. Iba't ibang mukha -- kikay girls, porma boys, the nerds/geeks, class clowns, bitches/villains, pabibo, the varsity players, pasaway, rich kids at walang pakialam. Siya ay boring, seryoso, tahimik at mahiyain.

2. High School Events -- school activities, campaign period/election day, induction program, JS prom, COC/CAT days, camping, intrams at iba pa. Siya ay naging bahagi ng magulong campus politics sa loob ng 4 na taon, naging SR President noong senior year dahil sa pamimilit ng mga kaklase kaya ala syang kalaban noong election, XO officer sa CAT, taga-cheer sa intrams at sawi sa JS prom. Sa awa ng diyos nakalikom ang kanyang SR Admin ng sapat na halaga mula sa kung anu-anong mga fund-raising projects na naging bahagi ng school auditorium. Mapulitika ang induction program dahil ito ang pagkakataong makaambon sa pork barrel ng imbitadong kongresista.

3. Contests/Activities -- literary contest, quiz bee, physics olympiad, science fair, school paper press conference, sabayang pagbigkas, speech choir, leadership training, ffp/fahp/vlp, comedy skit at kung anu-ano pang drama at kaartehan. Lagi siyang kasali sa extemporaneous speaking contest. Talunan sa provincial science quiz bee at physics olympiad. Pagala-gala sa Regional School Paper Press Conference at Youth Congress; At dahil hindi marunong umarte, naging narrator/director/writer ng comedy skit.

4. Hindi din niya malilimutan ang Periodic Table of Element sa Chemistry na kailangang i-memorize, Map of Asia, Ang debate sa teorya ng creation at evolution, Cell structures at functions, Life cycle of a Frog at iba pang hinayupak na hayop, Journal writing sa Values Ed., Iba't ibang projects sa Home Economics at Vocational Elective (Gumawa siya ng lampshade at water heater sa electricity class). Paborito niyang subject ang Physics at History.

5. Simple ang buhay hayskul. Dito nabuo ang tropa/barkada. Tambay sa canteen o school aud pag break time, Tambay sa town plaza kapag uwian, student meal, exemption sa exam dahil sa pagsali sa mga contests, memory tests, reporting, paggawa ng assignments ilang minuto bago magsimula ang klase, pagsali sa iba't ibang extra-curricular activities dahil 30% ito sa pagdedecide kung sino ang mapapasama sa Top 10. At kung anu-ano pang kalokohan.

6. Ito ang panahon na nauso ang boy bands. Naging kilala ang Backstreet Boys, ang rivalry ng hanson at the moffats, N Sync, Boyzone at Westlife. Ito rin ang labanan ng UMD vs Streetboys at ang famous signature dance na Always.

7. Isang major problem/issue ang pagkakaroon ng pimple.

8. Dito siya nahasang magsulat. Salamat sa School Paper. Nagsimula siya bilang staff writer, literary editor, news editor at EIC.

.... Natapos ang kanyang ikalawang yugto ng paglalakbay na nababalot ng iba't ibang katanungan. Dahil sa mga makukulit na tanong na ito, sinikap niyang makuha ang susi para sa pinapangarap niyang Pamantasan upang hanapin at alamin ang mga kasagutan.

"The most unfair thing about life is the way it ends. I mean, life is tough. It takes up a lot of your time. What do you get at the end of it? A Death! What's that, a bonus? I think the life cycle is all backwards. You should die first, get it out of the way. Then you live in an old age home. You get kicked out when you're too young, you get a gold watch, you go to work. You work forty years until you're young enough to enjoy your retirement. You do drugs, alcohol, you party, you get ready for high school. You go to grade school, you become a kid, you play, you have no responsibilities, you become a little baby, you go back into the womb, you spend your last nine months floating......and you finish off as an orgasm"......... George Carlin

........................ naghahanda para sa susunod na paglalakbay: Ang Biyaheng State U

Thursday, 4 June 2009

Maligayang Paglalakbay!


"Punta ka PGH. ASAP"

Binalot ko na ang hinihingi mong sapatos. Hinintay ko pa nga na bumalik ka sa bahay dahil wala akong pasok-- Ang araw na sinabi mong ikaw ay babalik. Pero hindi ka dumating...Inisip ko na lang baka bukas.. sa susunod na araw o kaya, sa susunod na linggo. Gusto pa naman kita makausap. Natutuwa lang ako dahil malaki ang iyong ipinagbago. Nakakatuwa dahil hindi ka man naging seryoso sa iyong karanasan sa loob ng silid kung saan hinasa ang aking utak at iba pang namamahal sa'yo, natuto ka naman sa hamon ng buhay na araw-araw mong kaulayaw sa labas. Hindi man ako naging masyadong malapit sa'yo pero ramdam ko ang respeto mo dahil mas matanda ako sa'yo pero isang taon lang naman.

"Kailangan mo magdonate ng dugo. biglaan daw kagabi lang."

Pero ang daya mo. Hindi ka man lang nagsabi. Wala ka man lang pinagkatiwalaan. Ang hilig mo manggulat.

"Comatose na."

Gusto kitang intindihin. Ang dahilan ng pananahimik mo pero nahihirapan ako. Siguro, hindi ka naman sasagot kung tatanungin kita. Ipipilit mo na hindi ka maiintindihan dahil magkaiba tayo ng daan na nilalakbay. Pero sana binigyan mo kami ng pagkakataon na pakinggan ka. Narito kaming lahat. Hinahanap ka ng mga pamangkin mo. Buo na naman ang angkan.

"Wala na siya"

-----------------------------------
Namatay si insan sa edad na 26 sa sakit na Leukemia. Biglaan ang pangyayari dahil walang nakakaalam ng kanyang karamdaman. Saan man siya ngayon, nawa'y maging mapayapa ang kanyang paglalakbay. Nakakalungkot isipin na nagkakaroon lang ng malaking pagtitipon sa panahon na may aalis. Paalam, Insan!

Monday, 1 June 2009

Biyaheng Utak (Part 1)


"Train up the child the way he should go, and when he is old, he will not depart from it."

.... Proverbs 22:6 ....

X: Hindi magandang balikan ang nakaraan.
Y: Bakit naman?
X: Para mo na rin kasing pinapadugo ang mga naghilom na sugat. Para ka ring gumagawa ng mga bangungot sa mga magandang panaginip na nagbibigay sa'yo ngayon ng lakas at direksyon sa buhay. Niloloko mo lang ang sarili mo. Kasi umaasa ka na kapag binalikan mo ang nakalipas, magkakaroon ka ng mas magandang imahen ng nakaraan.
Y: Iba naman ang tingin ko dyan. Palagay ko, mas makakatulong ang pagbalik tanaw para mas maintindihan ko ang aking sarili at magkakaroon ako ng pagkakataong masuri ang mga bagay, karanasan at pangyayaring nagpasaya, nagpaiyak at nagpangiti sa aking 16.5 taong buhay estudyante. Hindi ko naman gustong baguhin kung anuman ang nangyari dahil para ko na rin pinagsisihan ang mga naging desisyon ko.

Dahil sa pambihirang pag-uusap na 'to, Naisipan niyang balikan kung paano napanday ang kanyang utak . Siguro kaya niya rin naisip magsulat tungkol sa kanyang buhay estudyante dahil hunyo na naman...Pasukan na!

Paano nga ba naglakbay ang kanyang utak?

ELEMENTARY YEARS: Age of the Innocence/Face of the Rebel

"You don't owe it to yourself, You owe it to me and to every guy that would love to have what you got" ---- Ben Afleck in Good Will Hunting

Pitong taon siya nang pumasok na Grade 1- sa panahong ang paniniwala ng mga matatanda ay kailangang maabot ng kanang kamay ang kaliwang tainga o vice versa para makayanan ang hamon sa isang Grade 1 Pupil. (Nabasa ko na rin ata to sa libro ni BO) Kakaiba siya dahil hindi kagaya ng ibang mag-aaral na kasa-kasama ang butihing nanay, tita, ate o lola; Siya ay natutong pumasok mag-isa. Kasama ang nanay, tita, ate o lola ng mga kaklase na naging kaibigan niya. Tahimik siyang bata. Mas tama siguro sabihin na mahiyain. Marahil bunga ng pagkakaroon niya minsan ng sariling mundo kung saan mas pinili niyang maglaro ng naipong mga tansan, bigyan ito ng mga pangalan at bumuo ng parang isang community kung saan siya ang nasusunod (Kaya siguro nagustuhan niya ang Sims pati na rin ang Zeus: Master of Olympus nang matuto siya gumamit ng kompyuter). Pero dahil sa mga pangyayari sa kanyang pamilya, ang patpating bata ay natutong makipagkulitan sa mga pisara, chalk, teksbuk, lapis at papel upang makuha ang tiwala, respeto at paghanga ng kanyang guro, kamag-aral at higit sa lahat, mahal sa buhay. Pero sa tingin ko, ang higit na nagpaalab sa kanyang murang isipan na maging angat sa iba ay ang pagiging saksi ng mga munting karahasan sa mga kagaya niyang bulilit na pilit lumalaban sa mga hamon sa unang yugto ng biyaheng utak. Lubos siyang naniniwala na ang mataas na marka at gintong medalya ay magiging mabisang sandata para hindi maging biktima.

Sa pagsisimula ng kanyang magiting na paglalakbay, baon niya ang unang gintong medalya na nakuha noong siya ay Prep. Sa mapanuring mata ng kanyang ginagalawang baryo, ito ay may kaakibat na tungkuling patunayan sa nakakarami na karapat dapat siyang magmay-ari nito. Kaya sa sumunod na 6 na taon naging madali sa kanyang ipanalo ang laban at naging makulay ang unang yugto ng paglalakbay.

Narito ang ilan sa mga makulit na alaala sa unang yugto ng biyaheng utak:

--->Hindi niya makakalimutan ang All Things Bright and beautiful na unang narinig noong siya ay Prep. Bungi pa siya nang magkaroon ng pinakaunang stage presentation. Pati na rin ang walang kamatayang Guardian Angel Prayer habang abala sa pagliligpit ng mga gamit, pagsusuot ng bag. Ito din ang panahon na ang notebook cover ay labanan ng mga That's Entertainment stars, naging hit ang young love, sweet love. Naabutan din niya ang Billy Joe-Aiza days. Grade 3 niya natuklasan na sosyal ang madaming layers na crayon.

--->Aliw na aliw siya sa ginagawang pag-eehersisyo tuwing umaga pagkatapos ng Flag Ceremony. Pero pinakaiiwasan noong Grades 5 at 6 (kakahiya kay crush). Iniiwasan niyang ma-late dahil may sarili silang Flag Ceremony o kaya ay maglilinis sa garden bilang parusa. Requirement sa EPP (Edukasyong Pantahanan at Pangkabuhayan) ang gardening. Kamote at pechay lang ata ang naitanim niya. Sa subject din na ito nakilala niya ang kauri nina running, blind, back at catch stitch. (nagagamit niya to paminsan minsan)

--->Lagi siyang kasama sa Monday Cleaners, nauuna sa pila at unang tinatawag pag nagtsek ng attendance dahil sa unang letra ng kanyang apelyido. Ang nakakatuwa, lagi din siyang nagunguna sa klase. Naging biktima din siya ng standing, noisy at kung anu ano pang listahan ng paglabag sa Walasiteacher Law. Grade 1 siya ng unang maranasan ang stereotyping sa pag-upo. Hindi niya maintindihan kung bakit row 1=matalino, row 2= medyo matalino at row 3=bobo. Row 3 siya nakaupo at dahil nga ayaw niyang mabiktima, pinakopya niya ang buong row 3.

---> Dito din niya unang naranasan ang pakiramdam ng isang politiko dahil sa Pupil Government. Bookmark ng karton ng gatas na kinulayan at may nakalagay na Vote: X for President o kaya isang puting kartolina na may nakalagay: VOTE STRAIGHT MASIPAG PARTY! (nakalista ang mga pangalan ng kandidato) ang naging makinarya. Dito din niya nasubukan ang tindi ni haring araw dahil sa Cub scout at BSP: Laging Handa. Dito niya unang nakilala ang iba't ibang klase ng knots. (square at over-hand knots na lang ang alam niya)

---> Pambihira ang Christmas Party. Parang piyesta dahil sponsor ang magulang ng mga batang angat sa baryo. (Laging present ang Palitaw) Kaya masaya dahil me bitbit ang lahat kapag uwian. Bitbit na din pauwi ang mga pinahiram na lanterns. (haha) Astig din ang ginamit na Christmas tree-sanga ng puno na binalutan ng crepe at lantern paper, walis tingting at pati styrofoam walang ligtas. Laging panyo o kaya ay baso (hindi mug) ang napupunta sa kanya kapag exchange gift.

---> Laging inaabangan ang tunog ng bell. Dahil ito ay: 1)Recess Time. 2)Faculty Meeting at 3) uwian na. Richie at Pee Wee ang famous tsitsirya sa recess kasama nito ang fanta o RC Cola. kilala din ang kending Lips, stork at white rabbit. (ginagamit ang mga balat ng kending ito bilang pera sa larong pambata. Ang wrapper ng lips ay katumbas ng P50.oo at ang stork ay P5.oo dahil buhay pa ang 5 pisong papel. Ginagamit din ang lips candy na parang lip shiner/gloss ) Naging hit din ang Bazooka dahil sa comic strips nito. Sa panahon ding ito pinag-kakaablahan ang FLAMES, tatsing, Jumping Rope, Police-Wanted, Patapangan ng gagamba at kung anu-ano pa.

---> Lagi siyang kasali sa slogan at poster making contest-(Nutrition Month, Linggo ng Wika at United Nations) Kasali sa Folk Dance na pinapalabas tuwing me graduation (ginagawang entertainers ng mga graduating students ang Grades 1-5 Pupils) kasali sa Quiz Bee at nag try-out sa 100m dash. Ang Grade school batch niya ang pinakaunang biktima ng NEAT. (National Elemntary Achievement Test)

---> Ang pinakamatindi sa lahat: hinubog ang paniniwala ng mga batang lalaki na bago iwanan ang elementarya, kinakailangan natuli ka na. Dahil kung hindi, kabilang ka sa mga pangalang bida sa pader ng mga gusali at loob ng Boy's CR na sumisigaw: BATANG X, SUPOT! SUPOT!

Abangan... BUHAY HAYSKUL!