Monday, 1 June 2009

Biyaheng Utak (Part 1)


"Train up the child the way he should go, and when he is old, he will not depart from it."

.... Proverbs 22:6 ....

X: Hindi magandang balikan ang nakaraan.
Y: Bakit naman?
X: Para mo na rin kasing pinapadugo ang mga naghilom na sugat. Para ka ring gumagawa ng mga bangungot sa mga magandang panaginip na nagbibigay sa'yo ngayon ng lakas at direksyon sa buhay. Niloloko mo lang ang sarili mo. Kasi umaasa ka na kapag binalikan mo ang nakalipas, magkakaroon ka ng mas magandang imahen ng nakaraan.
Y: Iba naman ang tingin ko dyan. Palagay ko, mas makakatulong ang pagbalik tanaw para mas maintindihan ko ang aking sarili at magkakaroon ako ng pagkakataong masuri ang mga bagay, karanasan at pangyayaring nagpasaya, nagpaiyak at nagpangiti sa aking 16.5 taong buhay estudyante. Hindi ko naman gustong baguhin kung anuman ang nangyari dahil para ko na rin pinagsisihan ang mga naging desisyon ko.

Dahil sa pambihirang pag-uusap na 'to, Naisipan niyang balikan kung paano napanday ang kanyang utak . Siguro kaya niya rin naisip magsulat tungkol sa kanyang buhay estudyante dahil hunyo na naman...Pasukan na!

Paano nga ba naglakbay ang kanyang utak?

ELEMENTARY YEARS: Age of the Innocence/Face of the Rebel

"You don't owe it to yourself, You owe it to me and to every guy that would love to have what you got" ---- Ben Afleck in Good Will Hunting

Pitong taon siya nang pumasok na Grade 1- sa panahong ang paniniwala ng mga matatanda ay kailangang maabot ng kanang kamay ang kaliwang tainga o vice versa para makayanan ang hamon sa isang Grade 1 Pupil. (Nabasa ko na rin ata to sa libro ni BO) Kakaiba siya dahil hindi kagaya ng ibang mag-aaral na kasa-kasama ang butihing nanay, tita, ate o lola; Siya ay natutong pumasok mag-isa. Kasama ang nanay, tita, ate o lola ng mga kaklase na naging kaibigan niya. Tahimik siyang bata. Mas tama siguro sabihin na mahiyain. Marahil bunga ng pagkakaroon niya minsan ng sariling mundo kung saan mas pinili niyang maglaro ng naipong mga tansan, bigyan ito ng mga pangalan at bumuo ng parang isang community kung saan siya ang nasusunod (Kaya siguro nagustuhan niya ang Sims pati na rin ang Zeus: Master of Olympus nang matuto siya gumamit ng kompyuter). Pero dahil sa mga pangyayari sa kanyang pamilya, ang patpating bata ay natutong makipagkulitan sa mga pisara, chalk, teksbuk, lapis at papel upang makuha ang tiwala, respeto at paghanga ng kanyang guro, kamag-aral at higit sa lahat, mahal sa buhay. Pero sa tingin ko, ang higit na nagpaalab sa kanyang murang isipan na maging angat sa iba ay ang pagiging saksi ng mga munting karahasan sa mga kagaya niyang bulilit na pilit lumalaban sa mga hamon sa unang yugto ng biyaheng utak. Lubos siyang naniniwala na ang mataas na marka at gintong medalya ay magiging mabisang sandata para hindi maging biktima.

Sa pagsisimula ng kanyang magiting na paglalakbay, baon niya ang unang gintong medalya na nakuha noong siya ay Prep. Sa mapanuring mata ng kanyang ginagalawang baryo, ito ay may kaakibat na tungkuling patunayan sa nakakarami na karapat dapat siyang magmay-ari nito. Kaya sa sumunod na 6 na taon naging madali sa kanyang ipanalo ang laban at naging makulay ang unang yugto ng paglalakbay.

Narito ang ilan sa mga makulit na alaala sa unang yugto ng biyaheng utak:

--->Hindi niya makakalimutan ang All Things Bright and beautiful na unang narinig noong siya ay Prep. Bungi pa siya nang magkaroon ng pinakaunang stage presentation. Pati na rin ang walang kamatayang Guardian Angel Prayer habang abala sa pagliligpit ng mga gamit, pagsusuot ng bag. Ito din ang panahon na ang notebook cover ay labanan ng mga That's Entertainment stars, naging hit ang young love, sweet love. Naabutan din niya ang Billy Joe-Aiza days. Grade 3 niya natuklasan na sosyal ang madaming layers na crayon.

--->Aliw na aliw siya sa ginagawang pag-eehersisyo tuwing umaga pagkatapos ng Flag Ceremony. Pero pinakaiiwasan noong Grades 5 at 6 (kakahiya kay crush). Iniiwasan niyang ma-late dahil may sarili silang Flag Ceremony o kaya ay maglilinis sa garden bilang parusa. Requirement sa EPP (Edukasyong Pantahanan at Pangkabuhayan) ang gardening. Kamote at pechay lang ata ang naitanim niya. Sa subject din na ito nakilala niya ang kauri nina running, blind, back at catch stitch. (nagagamit niya to paminsan minsan)

--->Lagi siyang kasama sa Monday Cleaners, nauuna sa pila at unang tinatawag pag nagtsek ng attendance dahil sa unang letra ng kanyang apelyido. Ang nakakatuwa, lagi din siyang nagunguna sa klase. Naging biktima din siya ng standing, noisy at kung anu ano pang listahan ng paglabag sa Walasiteacher Law. Grade 1 siya ng unang maranasan ang stereotyping sa pag-upo. Hindi niya maintindihan kung bakit row 1=matalino, row 2= medyo matalino at row 3=bobo. Row 3 siya nakaupo at dahil nga ayaw niyang mabiktima, pinakopya niya ang buong row 3.

---> Dito din niya unang naranasan ang pakiramdam ng isang politiko dahil sa Pupil Government. Bookmark ng karton ng gatas na kinulayan at may nakalagay na Vote: X for President o kaya isang puting kartolina na may nakalagay: VOTE STRAIGHT MASIPAG PARTY! (nakalista ang mga pangalan ng kandidato) ang naging makinarya. Dito din niya nasubukan ang tindi ni haring araw dahil sa Cub scout at BSP: Laging Handa. Dito niya unang nakilala ang iba't ibang klase ng knots. (square at over-hand knots na lang ang alam niya)

---> Pambihira ang Christmas Party. Parang piyesta dahil sponsor ang magulang ng mga batang angat sa baryo. (Laging present ang Palitaw) Kaya masaya dahil me bitbit ang lahat kapag uwian. Bitbit na din pauwi ang mga pinahiram na lanterns. (haha) Astig din ang ginamit na Christmas tree-sanga ng puno na binalutan ng crepe at lantern paper, walis tingting at pati styrofoam walang ligtas. Laging panyo o kaya ay baso (hindi mug) ang napupunta sa kanya kapag exchange gift.

---> Laging inaabangan ang tunog ng bell. Dahil ito ay: 1)Recess Time. 2)Faculty Meeting at 3) uwian na. Richie at Pee Wee ang famous tsitsirya sa recess kasama nito ang fanta o RC Cola. kilala din ang kending Lips, stork at white rabbit. (ginagamit ang mga balat ng kending ito bilang pera sa larong pambata. Ang wrapper ng lips ay katumbas ng P50.oo at ang stork ay P5.oo dahil buhay pa ang 5 pisong papel. Ginagamit din ang lips candy na parang lip shiner/gloss ) Naging hit din ang Bazooka dahil sa comic strips nito. Sa panahon ding ito pinag-kakaablahan ang FLAMES, tatsing, Jumping Rope, Police-Wanted, Patapangan ng gagamba at kung anu-ano pa.

---> Lagi siyang kasali sa slogan at poster making contest-(Nutrition Month, Linggo ng Wika at United Nations) Kasali sa Folk Dance na pinapalabas tuwing me graduation (ginagawang entertainers ng mga graduating students ang Grades 1-5 Pupils) kasali sa Quiz Bee at nag try-out sa 100m dash. Ang Grade school batch niya ang pinakaunang biktima ng NEAT. (National Elemntary Achievement Test)

---> Ang pinakamatindi sa lahat: hinubog ang paniniwala ng mga batang lalaki na bago iwanan ang elementarya, kinakailangan natuli ka na. Dahil kung hindi, kabilang ka sa mga pangalang bida sa pader ng mga gusali at loob ng Boy's CR na sumisigaw: BATANG X, SUPOT! SUPOT!

Abangan... BUHAY HAYSKUL!

10 comments:

gillboard said...

alala ko yung All things bright and beautiful... memorize ko pa ata yan.. hehehe

Mugen said...

Ngayon alam ko na kung bakit sobra kang nakakarelate kay Bob Ong. Hehehe.

So mahilig ka pala sa mga strategy games... Aliw.

Jinjiruks said...

in the heart of the seed yung naaalala ko pang nakakabisado ko pati na rin ang sabayang pagbigkas nung nasa grade 4 palang ako then ang mga quiz bee sa grade 6

ACRYLIQUE said...

haha... All things bright and beautiful. All things great and small.. :) **head-sways**

Angel of God my guardian dear. Guard me always and only me.. :)

Yas Jayson said...

@kuya dan: yeah. thanks. mas matanda ka kaya. kaya ikaw talaga dapat. ehe


at sa dakilang tagasubaybay ni Rogelio Manglicmot, addio!

Badong said...

haay, naalala ko tuloy yung elementary school days ko! timing pa tong post mo kasi last week lang nagkaroon kami ng reunion. Hindi ako nakasama. :(

period said...

bakit di ko alam yung all things bright and beautiful..

hehehe

Yodi Insigne said...

ang di ko makalimutan yung
poem na Henny Penny
Henny Penny is a hen,
Henny Penny is a red hen,....
hi hi hi

HOMER said...

Ayus ah!! ang impact sa atin ng pagbabalik sa nakaraan ay depende sa perspektibo natin, sa pagtanggap sa kung ano mang sakit na ibinigay ng karanasan.. sa sakit minsan gusto na natin talagang burahin sa isip natin. i remember nga ung movie na eternal sunshine of the spotless mind, kung posible nga un siguro madami na ding gumawa, at madami na ding nagsisi. Kahit kasi sobrang sakit nung bingay na experience satin mnsan hindi mo naman dapat kalimutan eh, siguro panandalian hanggang maghilom ang sugat pero kung iisipin natin lahat naman ng nararanasan natin ay nagiging parte ng pagkatao natin eh at dahil dito we become mature enough, strong enough to face each struggles..

Ayus ung quote from goodwill hunting, one of the films i like din! keep it up!

Visual Velocity said...

On my part, ayoko balikan yung nakaraan, lalo na nung nasa high school at kolehiyo pa ko. Kung marami akong bloopers ngayon, mas marami akong bloopers noon. Ehehehe.