Sabado, Oktubre 3, 2009 (Madaling Araw)- Walang patid ang buhos ng ulan. Tila nakipaghiwalay si Inang Kalikasan kay Amang Araw sa tindi ng iyak nito. Walang bakas ng takot, kaba o alinlangan ang mukha ng karamihan. Marahil ang bawat isa'y iniisip na katulad ng ibang mga araw, titila din ang ulan. At kung magkaroon man ng baha, ito'y isang pangyayaring lubos na inaasahan. Way of Life - ika nga ng mga taga CAMANAVA. Ang tanging emosyon na nangingibabaw sa oras na yon ay galit-(galit ng tiyan sa pagkain) Nagugutom at naaantok ang makukulit kong kasama sa trabaho. Kaya, napagkasunduan ng lahat na mag-ambag para bumili ng Pandesal at pansit. Subalit naubos na ang pansit, tuluyan nang naghingalo ang malalambot na pandesal at unti-unti nang nagsiuwian ang mga makukulit, hindi pa rin tumitila at napapagod umiyak si Inang Kalikasan. Patagal nang patagal...Palakas nang palakas... At isang text message na tila espresso coffee ang nagpagising sa aking inaantok na kamalayan. "Baha na d2 haus. Lks ulan. Wt tym ka uwi?" Ang isang text ay naging sunud-sunod. Tila nakikisabayan sa buhos ng ulan. Iisa ang sinasabi. "Wag ka na muna umuwi, taas na baha d2" Makalipas ang isang oras, habang dumadami ang text messages na natatanggap ko , tumataas din ang baha sa bawat sulok ng Metro Manila. Pero dahil determinadong umuwi, kasama ang isa sa mga wonder women at 2 pang mga kaibigan, nakipagsabayan kami sa mga basang sisiw na nakikipagkulitan kay Ondoy dahil sa pag-aalala sa mga mahal sa buhay. Pagkatapos mangawit ang aming mga binti, nakasakay kami sa siksikang dyip ng dyosa kong kaibigan (ang 2 ay sinubukan ang pagiging walkathon athlete. Matapang na nilakad mula Eastwood hanggang Cubao)
5:00 P.M (Ika-3 ng Oktubre)- Doon ko napansin na 24 oras na akong gising. Pagdating sa Cubao, doon ako lubusang naniwala na hindi na ako makakauwi. Kung hangang kelan, natatakot akong alamin. Nagsimula na ring magkaproblema si pareng Globe. Kung gaano katrapik sa Cubao, ganun din sa mundo ng mga text messages.
7:00 P.M. .................................. Sumusuko na ang talukap ko. Sinubukan ko ang LRT. Ang pila? umabot hanggang escalator malapit sa Max, Gateway. at umiikot pa sa loob bago makapunta sa kuhaan ng ticket. Binalak ko makitulo sa kaibigan sa Maynila, pagdating ng Recto station, nanlumo ako. Balik na naman sa Cubao Kung paano ako nahirapan pumasok ng LRT, ganun din sa paglabas
9:00 P.M ................................... Nasa Cubao pa din ako.
10:30 P.M. ............................... Sunod -sunod ang mga text messages ng kaibigang dyosa. Tinatanong kung saan ako. Inisip kong mamalagi sa motel, hotel, apartelle. Buti na lang, to the rescue ang wonder women. Dahil sa pagod, puyat at stress, pinilit kong kumain sa KFC. Walang gana ang lumalaki kong tummy.
11:00 P.M. ......................................... Narating ko ang palasyo ng dyosa. Nakipagkwentuhan sandali, Nagbahaginan ng mga pangamba at pagkabahala sa mga pangyayari. Hanggang sa tuluyang sumuko ang bampira.
Linggo, Oktubre 4, 2009. (Umaga)-- Muli kong binalikan ang Cubao. Walang nabago. Lalong mahirap ang pagsakay. Ang pasya? sumakay ng LRT. Bumaba ng Katipunan station at naglakad papuntang Bayan ng Marikina. At sa aking Alay Lakad, naging saksi ang aking pagod na mata sa hagupit ni Ondoy. Nakita ko kung paano pinagsamantalahan ng baha ang River Banks. Nasaksihan ko ang pagkawasak ng Provident Village. Nakakalat pa rin sa daan ang mga bakas ng krimen ni Ondoy: Rape sa mga walang kamuwang muwang na kabahayan, Serious Physical Injury sa iba't-ibang kasangkapan at Murder sa mga kaawa-awang mga kababayan. At bigla kong naisip, Paano kung umuwi ako habang walang pusong sinasalakay ni Ondoy ang Marikina?
Hindi naging madali ang mga sumunod na oras at araw: Kalahating araw ang pila sa grocery, pikit mata akong pumayag na maging biktima ng mga buwayang negosyante ng walis tingting. Nakipagyakapan kina pareng putik. Pinagsawaan ang nakakasukang amoy ng hindi nahakot na basura at kung anu-ano pang ikakasakit at isusumpa ng iyong Pisikal, emosyonal, pinansiyal at sosyal na pagkatao. Buti na lang patuloy akong nagtitiwala sa kakaibang lakas ni ispiritwal at mental na pagkatao.
1 week later............. Pinipilit umahon. Pinipilit bumangon. Ginagawa ang lahat para ibalik ang normal na takbo ng buhay. Pero parang itong basong basag, pilit mang buuin, andun pa rin ang bakas ng karahasan.
Sana talaga, manatili na lang isang mapait na aLALA ang isang kagaya ni Ondoy.
8 comments:
Makakabangon tayo.
Lahat ng nakaraan magiging alaala na lamang. ;)
sana okay ka lang po, kaibigan
amen to that. magiging maayos din ang lahat. salamat nalang din at ok si bunso.
@kuya dan:
thanks. many thought i was a goner nga eh. nyahaha! salamat sa lahat. :D
tama, ang lahat isang ala-ala na lang.
everything's gonna be alright. :)
hayyy kaya yan,kami nga sa laguna baka daw abutin ng two months un baha samin.
kawawa ka pala nun bagyo as in 24hours ka naghahanap ng way makauwi????
Salamat po sa lahat.
cheers!
it would be nice if you can follow my blog @ www.thegreenmandiary.blogspot.com
Post a Comment