Sunday, 10 May 2009

D Best Ka!

Dear Mama,

Musta ka na? Sa totoo lang hindi ko po alam kung paano ko sisimulan at kung ano sasabihin ko sa'yo.Kapag matanggap at mabasa mo to, sigurado akong magugulat ka, dahil kilalang kilala mo ako at alam mo na hindi ako mahilig gumawa ng sulat. Sa 27 beses na Mother's day na dumaan, hindi ko matandaan kung paano kita binati at napasalamatan. Ni hindi nga ata kita nabigyan ng bulaklak, nayakap o kaya na-kiss. Pero ngayon, hayaan mo po akong kwentuhan kita. Sasabihin ko na sa'yo lahat ng mga hindi ko nasabi. Yung mga kinatatakutan ko, kung bakit ako masaya at kung kelan ako nalulungkot, mga dahilan kung bakit ako umiiyak at pati na rin mga tampo ko sayo. Susubukan ko din balikan yung mga magagandang alaala at mga karanasang sumubok sa ating pamilya.

Simulan natin noong andito pa tayo nakatatira sa Maynila. Naalala ko kung paano ka nanghina at umiyak nang masunog ang bahay natin na pinaghirapan niyo ni Papa. Umiiyak ka habang yakap-yakap ako at ipinapaliwanag ang pangyayari sa paraang madali ko maintindihan. Siguro sobrang hirap na hirap ka noon dahil nasa ibang bansa si Papa. Pero matibay ka Ma. Buong tapang mong hinarap ang pagsubok bilang isang ina. Napilitan tayong umuwi sa probinsiya kung saan kayo lumaki ni Papa upang doon magsimula at ipagpatuloy ang buhay. Nakitira tayo noon kina Lolo't Lola. Hindi naging madali ang lahat. May mga panahon na nakikita kitang umiiyak sa hindi ko malamang dahilan. Wala kang sinasabi sa akin siguro dahil hindi pa kita mauunawaan. Palagi mo lang sinasabi sa akin na mag-aaral ako nang mabuti. Hanggang sa lumipat tayo sa sarili nating tahanan. At dahil bihira lang umuwi si Papa, ikaw ang nagsilbing mama at papa ko sa panahon na gusto kong matuto magbike, lumangoy sa dagat, maglaro ng basketbol at iba pang bagay na pede sana ituro ni Papa. Sinubukan kong alamin ang mga bagay na ito sa ibang mga bata. Kaya lang masyado ka naging mahigpit. Naiinis ka kapag umuuwi akong madumi ang damit, amoy araw at maraming galos. Ibang klase ka pag magalit. Lahat ata ng uri ng palo naranasan ko. Hanger, sinturon, kawayan at ano pang pede ihampas sa pwet ko. Naranasan ko na din ang lumuhod sa monggo.Siguro kaya naging paboritoko ito dahil gusto kong basagin ng matatalim kong ngipin ang hatid na pait nito. Naisip ko ito ata ang initiation ko sa katotohanan ng buhay. Dahil doon, sinikap kong hindi ka mabigyan ng kahit anumang sama ng loob. Pero alam mo Ma, masama din ang loob ko. Sa bawat palo na naranasan ko sa'yo, inisip ko na lang ang bawat sandali na nakikita kitang palihim na umiiyak, ang katigasan ng ulo ko at mga salita na naririnig ko mula sa mga kamag-anak na parang punyal na sumusugat sa iyong pagkatao. Gusto kong magalit sa'yo pero iniisip ko na ito siguro ang pinakamagandang paraan para damayan ka sa mga bagay na hindi lubos maintindihan ng aking murang isipan. Noong magsimula akong mag-aral, hindi ko ata naranasan na sunduin mo ako. Lagi mong sinasabi sa akin, na dapat mag-aral akong mabuti, wag iyakin at sumabay ako sa mga nanay ng mga kaklase ko. Naalala ko pa, Patapos na ang klase noon, pilit ko tinatapos ang mga zigzag lines ko habang ang iba kong kaklase ay nanay na ata nila ang gumagawa. Hindi ko alam kung paano kita naunawaan. Basta ang alam ko, madami kang pinagkakaabalahan at palagi kang pagod. Doon ko din nalaman na kuya na pala ako. Hindi ko rin makakalimutan ang una at huling assignment na ginawa natin. Kitang kita ko sa iyong mga mata kung paano ka nagalit at nalungkot dahil hindi ko alam kung paano basahin ang mga nakasulat. Dahil sa pangyayaring yun, Ipinangako ko na hindi ka na mahihirapan sa aking mga susunod pang assignments at magiging proud ka sa akin.

Sa paglipas ng mga taon, habang unti-unting lumalaki ang mundong aking ginagalawan at lumalawak ang aking isipan, nagbabago na din ang paraan ng pagpapakita mo ng disiplina't pagmamahal. Siguro dahil kuya na ako o iniisip mo na nagbibinata na ang iyong panganay. At doon ko na din lubos na naunawaan kung bakit ganun na lang ang pagpapahalaga mo sa aking pag-aaral. Naging mas malapit ako sa mga kamag-anak natin.Ginagalang ako at hindi inaapi ng nakararami. Nag-aral akong mabuti. Nag-uwi ng mga medalya. Sinikap kong makuha ang pinakamataas na karangalan para maging proud kayo ni Papa at para sabihin nila na ibang klase kayong magulang. Pero alam mo Ma, Nakakapagod din pala. Parang bawal na kasi ako magkamali. Lagi ko na lang iniisip ayokong mangyari yung dati. Noong panahon na kailangan kaming paghiwalaying magkapatid. Ako sa tita, si bunso kina Lola. Alam kong me problema. At dahil sa kagustuhan ko na mahanap ang aking sarili, sinigurado kong makapasa sa pinapangarap kong unibersidad. Wala akong narinig sa'yo kahit kitang-kita ko sa'yong mga mata ang pangamba.Dahil alam mo kung gaano ko ito kagusto. Noong una, 3 beses ako sa isang taon umuuwi. sem-break at pasko. Hanggang sa isang beses na lang sa isang taon. At noong makapagtapos na ako at makapagtrabaho, isang beses na lang sa dalawang taon. Pero hindi rin naman madali sa akin yun Ma. Sobrang nahihirapan din ako pero kailangn kong gawin. Tuwing umuuwi ako, nakikita ko ang pgbabago ng iyong pisikal na anyo- mayroon ka nang ilang kulay puting buhok, ang unti-unting pagkulubot ng iyong magandang balat. Hindi ka na kasinglakas tulad ng dati. At kitang kita ko sa'yong mga mata ang sobrang pananabik. Parang gusto mong yumakap at humalik pero alam ko, nahihiya ka dahil pareho naman tayong hindi sanay sa ganun. Ganun din naman ako e. Tuwing umuuwi ako, lagi mong hinahanda ang paborito kong pagkain. At lagi mong sinasabi, huwag ko pabayaan ang aking sarili. Sabay hirit kung bakit wala pa ata akong ipinapakilala.

Alam mo Ma, marami akong gusto sabihin sa'yo. Marami akong gusto ikwento. Marami din akong gustong itanong. Pero gusto ko lang malaman mo na alam ko ang dahilan kung bakit ka umiiyak nung panahon na andun pa tayo kina lolo't lola, kung bakit ganun ang paraan mo ng pagdisiplina. Alam ko kung ano ang pinagdaanan niyo ni papa mabuo lang tayong apat. Alam ko kung gaano kasakit para sa'yo noon ang iiwan mo kaming magkapatid para ayusin ang dapat maayos. Kung paano mo kinokontrol ang bawat paglapat ng iba't iba mong pamalo. Alam ko nasasaktan kang makita ako umuwi ng bahay galing school kasama ang ibang nanay. Alam ko ang pinagdadaanan mo bilang nanay, bilang asawa at bilang bagong kasapi ng pamilya ni Papa. Gusto ko rin sana magsorry. Sorry kung tumatakas ako pag pinapatulog mo ako kapag tanghali, kung pinapapak ko ang tinitipid mong cerelac ng kapatid ko, kung kinukuha ko minsan ang mga barya mo para me pambili ako ng holen o panlaro ng tatsing, kung bihira kitang tulungan sa gawaing bahay. Kung nagdadabog ako kapag inuutusan mo akong bantayan ang kapatid kong makulit,kung hindi man lang kita nabigyan ng bulaklak sa mga nagdaang mother's day, kung hindi man lang kita nayakap nang mahigpit at masabihan ng I Love You Mama. Gusto rin kitang pasalamatan sa hindi mabilang na kadakilaan na ginawa mo sa aming magkapatid. Hindi ko makalimutan kung paano mo kami inalagaan, kung paano ka gumigising ng maaga para ihanda ang aming baon, kung paano mo ako tinuruan na tumayo sa aking sariling paa, matutong maging matapang at alagaan ang sarili. Kung paano kang nag-astang si Papa sa panahon na sa ibang bansa siya. Hindi man ako magaling magpakita ng pagmamahal ko sa'yo, Mama gusto ko sabihin sa'yo na sobrang mahal na mahal kita. Kapag nagkakasakit ako dati sa dorm, kapag Christmas at New Year na nasa trabaho ako, kapag madami akong problema at gusto ko na lang umiyak... Gusto kong umuwi at hug kita. Alam ko kasi na hindi mo ako pababayaan. Alam ko na kahit hindi kita ihug, bigyan ng bulaklak, ikiss palagi o sabihan ng I love you, anjan ka pa din. Tatawagin mo pa din akong anak. At siguro kung bibigyan ako ng pagkakataon na pumili ng nanay, ikaw pa din ang gusto kong tawaging mama. Yaan mo, pag-uwi ko dyan, huhug kita ng sobrang higpit. Sasabihin ko na sa'yo kung gaano kita kamahal. Magkukwentuhan tayo gaya nung dati noong kinakalong mo pa lang ako. Ipag-shoshopping kita. Kahit ano gusto mo.(Goodluck sa akin) Sasagutin ko na din ang matagal nyo nang tanong ni Papa. At bago ko makalimutan... HAPPY MOTHER'S DAY!

P.S.

May mahalaga akong sasabihin sa'yo pag-uwi. Alam ko, matagal mo nang gusto itanong ito sa akin. Ikaw pa, lakas ng pakiramdam mo. Alam ko, inaantay mo akong magsabi sa'yo. At alam ko, maiintindihan mo ako.

Love You Mama,

Anak

9 comments:

2ngaw said...

Wow!!!Nice post brod...

Happy mother's day sa iyong inay :)

an_indecent_mind said...

ambigat pre...

Yas Jayson said...

alam kong inaasahan mo na magko-comment ako. :D

sobrang malapit sa puso ko tong post na to. at habang binabasa ko to, walang ibangnasa isip ko kundi si mama. well, di ko naman na maiitatago yun. i really still miss her. and your post made me think of her na naman. haha. thanks.
how i really wish i could have been more affectionate to her. but i know, just like how you put it, she understands. :D [salamat sa compliment. mejo nakaluwag ng loob..]

salamat sa post na to. at least it made me take one little step to move on.

salamat kuya. addio.

RED said...

salamat sa mga post tulad nito,,

wanderingcommuter said...

sobra sobra naman akong nakarelate dito.

bigat!

Visual Velocity said...

Sadyang makabagbag-damdamin! Happy Mother's Day sa iyong Nanay! :-)

bampiraako said...

Taos-pusong pasasalamat sa lahat na naglaan ng oras para maging bahagi ng kwento ng isang d best na ina.

Mabuhay ang lahat ng mga nanay!

bioniclugaw said...

parekoy, ganda ng post na to. namiss ko tuloy si ermat. kasama na ni lord ngayon.

missoxymoronic said...

ibang klase! dabest ka talaga my son! (ang astig mong hotmama! na yes, may blog! hahaha!)